IKINATUWA ni Rizal 4th District Congressman Fidel Nograles ang pang-arangkada ng mga panukalang batas na magbibigay ng karagdagang proteksyon at benepisyo sa mga manggagawa.
Ayon kay Nograles, sa pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez, umarangkada na sa Committee on Labor and Employment ang sumusunod na mga panukalang batas na naglalayong magbigay ng karagdagang proteksyon at benepisyo para sa mga kapos-palad na manggagawa.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng HB 4752: Mandating employers to provide a personal finance education program, amending P.D. No. 442, otherwise known as the Labor Code of the Philippines; HBs 1279 & 2292: Strengthening the regulation of employment of foreign nationals, amending P.D. No. 442, otherwise known as the Labor Code of the Philippines; HB 6907: Mandating the localization of job opportunities; HB 7043: Strengthening the workers’ right to strike, amending P.D. No. 442, otherwise known as the Labor Code of the Philippines; HB 9320: Reducing the term of the Collective Bargaining Agreement (CBA) in representation aspect to three (3) years to assure workers of the flexibility and opportunity to choose their rightful bargaining representative (Approved on third and final reading).
Inaasahan ng chairman ng House of Representatives Labor and Employment Committee na sa kasalukuyang taon ay tuluyang nang maging batas ang ilan sa mga ito.
Nais ng mambabatas mula sa Montalban na walang maaaping mga manggagawa at maibigay sa kanilang ang tamang sweldo at mga benepisyo.
Si Nograles ay patuloy na sumusuporta sa Department of Labor and Employment (DOLE) partikular sa pagbibigay ng pagkilala sa natatanging mga manggagawa.
Kamakailan, kasama si Nograles sa pagkilala sa mga nagwagi sa Kabuhayan Awards na inilunsad ng DOLE noong nakaraang linggo para sa nakatanggap ng programang pangkabuhayan mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
“Marahil magkaiba man tayo ng estado sa buhay, daan na tinatahak, sitwasyon sa ngayon, walang imposible basta may sipag, tiyaga, at determinasyon sa ating pagpupunyagi na umasenso ang ating mga negosyo sa tulong ng programang pangkabuhayan ng DOLE,” ani Nograles.
“Ito ang napatunayan ng ating mga nanalo, na mula sa buhay na walang-wala sila, hanggang sa panahon ngayon na natutustusan na nila ang lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya, at nakakatulong pa sila sa ibang taong nangangailangan. Congratulations po sa inyong lahat!” pagbati niya sa mga nagwagi.
(JOEL O. AMONGO)
385