TANOD, 1 PA PATAY SA PAMAMARIL

PATAY ang isang lalaki at isang barangay tanod matapos barilin ng kani-kanilang kaaway sa magkahiwalay na insidente sa San Pablo City at Lipa City noong Miyerkoles.

Sa San Pablo City, agad namatay ang biktimang si Junjun Salamuding, 38, nang barilin sa sa ulo at dibdib ng kanyang nakaalitan habang nakikipag-inuman sa Brgy. Sto. Anghel noong Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa inisyal na report ng San Pablo City police, masayang nakikipag-inuman ang biktima nang biglang dumating sa lugar ang suspek na kinilala lamang sa pangalang “Donald”.

Agad itong lumapit sabay bunot ng kalibre .38 na baril at malapitang pinaputukan ang biktima.

Tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril subalit naaresto ng mga miyembro ng San Pablo City Police sa isinagawang hot pursuit operation.

Hindi pa mabatid kung ano ang dahilan ng grabeng galit ng suspek sa biktima.

Samantala, patay rin ang ang isang barangay tanod matapos na barilin ng kanyang nakababatang kapatid na armado ng caliber. 38 revolver sa Brgy. Balintawak, Lipa City noong Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa Lipa City Police, sakay ng motorsiklo ang biktimang si Jayson Ganga, 40, nang sundan ito ng nakamotorsiklong kapatid na si Jonel at ito ay binaril.

Agad namatay ang biktima dahil sa tama ng bala sa ulo.

Tumakas ang suspek makaraan ang pamamaril subalit naabutan ng mga pulis at naaresto sa Barangay Bolboc.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng suspek sa pamamaril sa kanyang kapatid.

(NILOU DEL CARMEN)

79

Related posts

Leave a Comment