TANOD ITINUMBA SA SARI-SARI STORE

PATAY ang isang 51-anyos na barangay tanod makaraang barilin sa ulo ng isang lalaki sa loob ng kanyang sari-sari store sa Benita St., Gagalangin, Tondo, Manila.

Kinilala ang biktimang si Marvin Martinez y Laxamana, may asawa at residente ng Gagalangin, Tondo.

Samantala, iniutos ni Manila Police District Director, Police Brigadier General Andre Perez Dizon ang pagtugis sa suspek na si Vello Bacha y Abibuag, nasa hustong gulang, at residente ng Paliparan, Dasmariñas Cavite.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang alas-7:00 ng umaga noong Biyernes nang mangyari ang pamamaril sa loob mismo ng tindahan ng biktima sa lugar.

Ayon sa salaysay ni Ermark Severo, 37, tricycle driver, ng Brgy.128, Balut, Tondo, nakita niyang nag-uusap ang suspek at ang biktima na humantong sa pagtatalo ng mga ito.

Pagkaraan ay sumigaw umano ang suspek at binaril sa ulo ang biktima saka mabilis na tumakas.

Hinihinalang may kaugnayan sa pagiging tanod ng biktima ang motibo sa krimen. (RENE CRISOSTOMO)

5

Related posts

Leave a Comment