Taumbayan nagsalita na: TIYAN BAGO CHA-CHA

DAPAT unahin ng Kongreso at ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang tiyan ng mamamayang Pilipino bago pagtuunan ng pansin ang Charter change (Cha-cha).

Ito nakikitang mensahe ng isang mambabatas sa Kamara sa resulta ng OCTA survey kung saan 44% sa mga respondent ang nagsabi na inflation rate ang dapat tugunan at hindi ang economic Cha-cha na nakakuha lamang ng isang porsyento.

“Pinapakita lang ng pinakabagong OCTA survey na hindi lang walang clamor para sa Charter change mula sa mamamayang Pilipino kundi napakalayo nga nito sa kanilang isipan dahil 44% sa kanila ay ang inflation o pagtaas ng presyo ng bilihin ang pinoproblema,” ani House deputy minority leader France Castro.

Sa resulta ng latest masa survey na isinagawa ng OCTA Research Group, ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo ang nangunguna sa 18 isyung kinakaharap ng bansa, sa mga dapat tugunan ng administrasyong Marcos.

Naniniwala ang 66 porsyento ng adult Filipinos na ang pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng pangunahing mga bilihin at serbisyo ay urgent concern habang ang sahod ng mga manggagawa at pagtiyak ng access sa abot-kayang pagkain, ang pangalawa at pangatlo sa 44 porsyento.

Samantala, ang paglikha ng mga trabaho at pagtugon sa kahirapan ang pang-limang urgent national concerns.

Tanging 4 porsyento ang nagpahayag ng kanilang pagnanais na idepensa ang teritoryo ng bansa mula sa mga mananakop, habang ang pagsusulong sa Charter change ay panghuli sa 1 porsyento lamang.

Isinagawa ang survey mula Marso 11 hanggang 14 ngayong taon sa 1,200 adult respondents sa buong bansa.

Sinabi pa ng mambabatas na magsasayang lamang ang gobyerno ng panahon at pondo ng bayan kapag ipinilit ang Cha-cha.

(BERNARD TAGUINOD)

34

Related posts

Leave a Comment