TOMAHAWK MISSILE NG US NAKAPORMA NA SA LUZON

TINULIGSA ng grupo ni dating ACT Party-list Rep. Antonio Tinio si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil sa pagpayag nito sa United States (US) na i-deploy ang Tomahawk Missile Launcher sa Northern Luzon.

“By allowing this, Pres. Marcos Jr. is openly signaling hostile intent against China, giving the US the capability to launch attacks on China’s homeland from our own territory,” ani Tinio, spokesman ng P1NAS.

Nabatid na ang nasabing missile launcher system ay bahagi ng Salaknib 24 Exercise at maging ng susunod na mga Balikatan joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

May kapabilidad umano ang Tomahawk na atakihin ang mga barkong pandigma, eroplano at missiles na pakakawalan ng kalaban.

“More importantly, it can fire Tomahawk Land Attack Missiles (TLAM) that can hit targets as far as the Chinese mainland. Tomahawk cruise missiles may carry conventional as well as nuclear warheads,” ayon pa kay Tinio.

Dahil dito, nanganganib umano ang mga taga-Norte kapag tuluyang sumabog ang giyera sa West Philippine Sea (WPS) at maging sa Taiwan dahil sa military assets ng Amerika na pinayagan ni Marcos na i-deploy sa Northern Luzon.

Kaugnay nito, nilinaw kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang taunang PH-US Balikatan war exercise ay hindi layuning galitin ang China.

Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, hindi ito ang objective ng bilateral war games.

“The AFP emphasizes that the Balikatan exercises are not directed towards any specific country. This long-standing initiative, spanning several years, is aimed at enhancing cooperation, fostering training opportunities, and strengthening regional stability,” paglilinaw ni Col. Padilla.

Opisyal na sisimulan ang Balikatan 2024 sa Lunes (Abril 22) sa pamamagitan ng formal opening ceremony na gaganapin sa Camp Emilio Aguinaldo sa Quezon City.

Unang inihayag ni Col. Michael Logico, Balikatan 2024 executive agent, na inaasahan na nilang may mga mga magre-react sa gaganaping mas malaki at mas malawak na Balikatan multilateral exercise subalit ang pagsasanay aniya ay walang pinatutungkulang lugar o bansa.

(BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL RUIZ)

45

Related posts

Leave a Comment