TRICYCLE DRIVER PATAY SA RIDING IN TANDEM

QUEZON – Patay ang isang tricycle driver matapos na pagbabarilin ng riding in tandem suspects sa Barangay San Andres sa bayan ng Candelaria, sa lalawigang ito, pasado alas-dos ng hapon noong Huwebes.

Kinilala ang biktimang si John Anthony Adelantar, 31, residente ng Barangay Malabanban Norte.

Ganoon na lamang ang paghihinagpis ng misis nito na hindi matanggap ang pangyayari nang makita ang wala nang buhay na katawan ng kanyang mister habang nakabulagta sa gitna ng taniman ng mais.

Ayon dito, inihatid pa sila ng kanyang mister sa school dahil susundo siya sa kanyang anak at iniwan na siya doon ng kanyang asawa para mamasada.

Subalit ganoon na lamang ang gulat nito nang malaman na binaril ang kanyang mister.

Wala naman aniya siyang nalalaman na may kaaway ang kanyang mister.

Ayon sa imbestigasyon ng Candelaria police, ang biktima ay sinundan ng riding in tandem suspects habang papasok sa barangay road ng Barangay San Andres galing sa national highway at nang maabutan ay pinagbabaril.

Matapos tamaan sa unang bugso ng pamamaril, sumalpok ang tricycle nito sa bahay sa gilid ng kalsada.

Tinamaan pa ng mga bala ang dalawang kalapit na tindahan sa lugar na ikinagulat ng dalawang nagtitinda sa oras na ‘yun.

Hindi naman napuruhan kaagad ang ang biktima at nagawa nitong makatakbo patungo sa maisan subalit hinabol pa ito ng gunman hanggang sa maabutan at doon muling pinagbabaril.

Tinamaan ng mga bala sa ulo at katawan ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Mabilis ding tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril na nagmaniobra pabalik sa national highway.

Ayon sa mga nakasaksi, may pasahero na isang lalaki ang biktima nang mangyari ang pamamaril pero hinala ng mga awtoridad ay kasabwat ito ng mga suspek dahil hindi na ito nakita matapos ang pangyayari.

Hindi pa alam ang motibo sa krimen dahil maging ang pamilya nito ay hindi batid na may kaaway ang biktima.

Samantala, nanawagan naman ang hepe ng Candelaria police na si P/Lt. Col. Bryian Merino sa mga nakasaksi na makipagtulungan para makilala ang mga suspek para sa mabilisang pagkalutas ng kaso.

Tiniyak din nito na hindi titigil ang mga pulis hangga’t hindi nabibigyang hustisya ang biktima.

(NILOU DEL CARMEN)

243

Related posts

Leave a Comment