NAKIISA na rin si Senador Bam Aquino sa mga nananawagan kay dating Cong. Zaldy Co na umuwi na at panumpaan ang kanyang mga alegasyon.
Hinimok din ni Aquino ang dating kongresista na isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa maanomalyang flood control projects at kontrobersyal na budget insertions.
Muling iginiit ni Aquino na kailangang managot ang lahat ng sangkot sa maanomalyang flood control projects, mabawi ang ninakaw na pondo, at dapat magpatupad ng mga sistematikong reporma upang hindi na maulit ang katiwalian sa hinaharap.
Iginiit din ni Aquino ang pagsasabatas ng kanyang Senate Bill No. 1506, ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability o CADENA Act, upang matiyak ang transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1506, kilala rin bilang Blockchain the Budget Act, lahat ng ahensya ng gobyerno ay inaatasang i-upload mga dokumento na may kaugnayan sa budget—kabilang ang mga kontrata, gastos sa proyekto, bills of materials, at procurement details—sa isang Digital Budget Platform, upang maging transparent at accessible sa publiko.
Kung maipapasa bilang batas, sinabi ni Aquino na ang mga opisyal ng gobyerno na hindi maglalathala ng mga dokumento o sadyang mag-upload ng maling impormasyon ay haharap sa administrative at criminal penalties sa ilalim ng CADENA Act.
(Dang Samson-Garcia)
58
