BANGKO PAGMULTAHIN SA NAGLAHONG DEPOSITO

HINDI angkop na palampasin na lamang ng pamahalaan ang diumano’y kapabayaan ng mga bangko sa salaping inilalagak bilang deposito ng mamamayan. Ito ang giit ng isang party-list congressman, kasabay ng panawagan sa Bangko Sentral ng Pilipinas na pagmultahin ang mga bangko tulad ng Banco de Oro kaugnay ng mga naglahong deposito.

Ani Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, kasalanan ng BDO ang pagpasok ng mga cyber criminals sa kanilang computer system, na aniya’y nagbigay daan para sa mga tinawag niyang “fraudulent transactions.”

Hindi rin kumbinsido ang kongresista sa pahayag ng pamunuan ng BDO na nagbigay katiyakang kakarguhin nila ang mga nawalang pera sa hindi bababa sa 700 biktimang ninakawan ng halagang P25,000 hanggang P50,000 bawat isa. Giit pa niya, binabawi rin naman ng mga bangko sa kanilang depositors ang mga perang nawala dahil sa mga illegal fund transfers.

“Actually, it is not true that the banks themselves are absorbing the financial losses from cyber-attacks. In fact, every time the banks seek an increase in their automated teller machine (ATM) withdrawal or credit card fees, they always claim that they need the higher charges to pay for financial losses due to fraudulent transactions,” aniya.

Dagdag pa ni Defensor, hindi makatarungang karguhin ng mga depositor ang mga perang nawala dahil sa sariling kapabayaan ng naturang bangkong pinagkatiwalaan dahil sa garantiyang ligtas at mapangangalagaan ang perang pinaghirapan.

“These administrative fines are absolutely necessary to compel banks to constantly find ways to protect their systems and safeguard their customers,” pahabol pa ni Defensor.

Bukod sa BSP, nanawagan din ang mambabatas sa National Privacy Commission na pagtuunan ang aspeto ng kapabayaan ng BDO sa mga impormasyon ng mga depositors nito.
(BERNARD TAGUINOD)

137

Related posts

Leave a Comment