BARKO BULILYASO SA FUEL SMUGGLING

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., kaugnay ng implementasyon ng mas pinahigpit na pagbabantay sa mga pantalan, piniit sa Tagum City ang isang barkong kargado ng halos dalawang milyong litro ng produktong petrolyo.

Sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC), isang joint operation sa pagitan ng BOC at Naval Forces Eastern Min­danao ang isinagawa sa Hijo Port kung saan nakadaong ang target na barko, batay sa natanggap na intelligence report mula sa kawan ng mga impormante.

Nang inspeksyunin ang petrolyong lulan ng domestic shipping vessel, lumalabas na walang “inert chemical” ang nakahalo sa naturang kargamento – patunay na hindi dumaan sa fuel marking program ang kargang petrolyo, na siyang hudyat para agad na piitin ang paglalayag ng nasabing cargo ship.

Ayon sa BOC, wala rin anilang pinakitang dokumento ng pinagbayarang buwis ang mga inabutang empleyado ng kumpanyang may-ari ng lulang petrolyo – gayundin ang mga tripulante ng barko.

“Based on the policy, an inert chemical is being added to the fuel after payment of Customs duties and taxes. The inert chemical serves as a marker that is detected in tests,” pahayag ng kawanihan.

Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na hindi pa muna sasampahan ng kasong paglabag ng Department of Finance – Bureau of Customs Revenue Joint Circular 001-2021 at Customs Memorandum Order 43-2019 (Treatment of Unmarked Fuel, Diluted Marked Fuel or Containing Fraudulent Marker) ang kumpanyang may-ari ng piniit na barko at kargang petrolyo.

“Hearings have been set to give the owners of the vessel carrying the unmarked fuel an opportunity to challenge the alleged violations. Pending the hearings’ decision, the Bureau has custody of the vessel and its 1,944,120,000 liters of fuel,” dagdag pa nito.
(JO CALIM)

248

Related posts

Leave a Comment