BASTE, TORRE BOXING MATCH SA BIG DOME

KUMASA si PNP chief General Nicolas Torre III sa hamon na suntukan ni Davao City Acting Mayor Baste Duterte.

Sa ambush interview sa Kampo Crame nitong Miyerkoles ng hapon, sinabi ng hepe ng Pambansang Pulisya na kung maaari ay ganapin sa Araneta Coliseum sa Linggo ang kanilang ‘boxing match’.

Tamang-tama aniya dahil maraming nangangailangan ng tulong na mga kababayan na sinalanta ng bagyo.

Ani Torre, isang “12 round charity boxing match” ang gusto niya at dapat bawat round ay may sponsor para malaki ang kitain na mapupunta naman sa mga sinalanta ng bagyo.

Sa tanong kung seryoso ito, sagot ng opisyal ay seryoso siya at ngayong araw ng Huwebes, bandang alas-09:00 ng umaga ay mag-eensayo aniya siya sa PNP gym para sa kanilang laban.

Nauna nang nag-viral ang video ni Baste nang hamunin nito ng suntukan si Torre.

Sa nasabing video, sinabi ng batang Duterte na matapang lang si Torre dahil sa posisyon.

“Kasi matapang ka lang naman kasi you have the position. Pero kung suntukan tayo, kaya kita,” ani Baste.

Paglilinaw naman ni Torre, “Hindi ko naman siya pinapatulan. I just see this opportunity para makatulong sa ating kababayan. Sigurado maraming mag-sponsor nito”.

Habang sinusulat ito ay wala pang inilalabas na tugon si Baste kaugnay sa mungkahi ni Torre na charity boxing match nila.
(TOTO NABAJA)

12

Related posts

Leave a Comment