Kung mayroong isang isyu na naging sanhi ng pagkatalo ni President-Mayor Joseph Estrada sa Maynila sa kanyang huling pagtakbo, ito ay ang problema sa basura na hindi niya nabigyan ng solusyon.
Alam ito ni Mayor-elect Isko Moreno kung kaya ang problema sa basura ang pangunahing isyu na dinala niya sa kanyang kampanya.
Kabilang sa solusyon ni Mayor Isko ang waste segregation. Ang ibig sabihin lang nito ay kailangang ihiwalay ng lalagyan ang mga nabubulok at ang mga puwedeng i-recycle gaya ng plastic, karton at mga papel.
Dating basurero si Mayor Isko kaya alam niya ang mga materyal na puwedeng i-recycle at pagkakakitaan ng mga basurero.
At dahil taga-Tondo si Mayor Isko, masang-masa ang kanyang lengguwahe, “Napansin n’yo po ang Maynila, dugyot? Alin ‘yung dugyot? ‘Yung may libag, banil, ‘yung hindi natatanggal na libag. We will clean Manila. Kasi mahirap ang problemang basura dahil ang problemang basura hindi lang sa mata masakit, magkakasakit ang lungsod ng Maynila at mamamayan nito pag hindi ‘yan in-address.”
May programa rin si Mayor Isko na “Pagkain sa Basura” kung saan mamimigay ng insentibo ang City Hall sa mga residente na kusang loob na maglilinis ng kanilang paligid at isusurender sa lokal na pamahalaan ang kanilang mga basura.
“Pagkatapos naming kolektahin ang mga basura ninyo —be it plastic, papel, karton, aluminum, bote — bibilhin ‘yan ng City of Manila. Susumahin ‘yan at bibigyan namin kayo ng card o coupon. ‘Yung coupon, may points. ‘Yung points may katumbas na pagkain,” paliwanag ni Mayor Isko.
Ang mga naturang kupon ay puwedeng gamitin para pambili ng mga batayang pangangailangan sa mga tindahan ng Kadiwa na plano ring ibalik ni Mayor Isko.
May pa-contest din ang City Hall sa mga barangay sa bawat isa sa anim na distrito ng lungsod kung saan ang pinakamalinis na anim na barangay ay magwawagi ng tig-isang milyong piso na mapupunta sa kanilang “green fund.”
Sabi ni Mayor Isko: “Naglinis ka na ng barangay, may additional ka pang P1 million. Every corner of every block will of course want to win the P1 million so everybody will compete. Kapag hindi pa naman nalinis ang Maynila, ewan ko na lang.”
Dapat ding pagtuunan ang mga nakaparadang jeepney sa mga gilid ng kalsada pati ang mga sirang mga sasakyan, tricycle at side car na nakabalandra sa mga secondary roads na sanhi ng pagsisikip ng traffic.
Mataas ang ekspektasyon ng mga Manilenyo sa bagong administrasyon ni Mayor Isko at kung matutupad ang kanyang pangako ay madali para sa kanya ang ikalawang termino. (Sidebar / RAYMOND BURGOS)
