Dapat repasuhin ang batayan sa pagpapalaya sa mga bilanggo o ang Republic Act 10592 na mas kilala sa tawag na good conduct time allowance (GCTA).
Nitong nakaraang linggo ay umani ng batikos mula sa netizens sa social media at naging mainit na usapin ang napabalitang paglaya umano ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez sa New Bilibid Prison.
Kung pagbabatayan ang naging kaso ng dating alkalde, malinaw na hindi siya kwalipikado sa GCTA Law kaya hindi siya dapat mapabilang sa 11,000 na mapalalayang bilanggo ngayong taon.
Dahil na rin sa public outrage, natuldukan ang isyu sa naging pahayag nina Justice Secretary Menardo Guevarra at Pangulong Rodrigo Duterte na hindi dapat makalaya ang sinumang akusado na may kinalaman sa anumang karumal-dumal na krimen.
Tapos na ang isyung ito. Ipinag-utos na ni Sec. Guevarra sa Bureau of Corrections na imbestigahang mabuti at pag-aralan kung sino ang karapat-dapat at hindi karapat-dapat para sa GCTA.
Bilang vice chair ng Committee on Justice sa Kamara, nais ko na muling suriin ang mga patakaran ng Board of Pardons and Parole hinggil sa RA 10592 o good conduct time allowance at kung kinakailangan na repasuhin ang naturang batas ay nakahanda tayong tumulong para ayusin ang mga probisyong nakapaloob dito.
Kung titingnan at sasalain ang mga nangyayaring krimen ngayon sa bansa, dapat na maibalik ang parusang bitay upang mapanagot at mahatulan nang husto ang mga gumagawa ng paglapastangan sa mga karapatang pantao.
Kung mapalalaya si Sanchez, hindi ito magiging risonable dahil lang sa isang batas na naglalayong bigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga bilanggo. Nahatulan siya ng pitong habambuhay na pagkakakulong dahil sa ginawa nitong karumal-dumal na krimen. Kung mayroon sanang parusang bitay noong panahon na ginawa niya ang kanyang pagkakasala, malamang na naisalang siya sa execution chamber.
Sa ganang akin, hindi na dapat pinag-uusapan itong si Sanchez kasi disqualified na talaga siya. Mas importanteng pagtuunan ng pansin ang pagprotekta sa lipunan para mailayo sa masamang gawain ng mga tulad niya. Ipaubaya na lamang natin sa Department of Justice at sa Supreme Court ang pagpapasya kung anong desisyon sa naudlot na paglaya ng dating alkalde.
oOo
Si Congressman Atty. Fidel Nograles ang kinatawan sa Kongreso ng Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Rizal. Siya rin ang Assistant Majority Leader ng House of Representatives at Vice Chairman ng Committee on Higher Education, Justice, at Indigenous Peoples. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)
