SADYA yatang marami ang naaakit sa prestihiyo at impluwensiyang dala ng isang posisyon sa gobyerno kaya naman marami ang nagnanais na tumakbo sa hangaring makasungkit ng pwesto.
Ang totoo, hindi madali ang trabaho sa gobyerno kung saan higit na lamang ang sakripisyo. Pero bakit marami pa rin ang naaakit kumandidato – sukdulang mamuhunan – at lumikom ng napakalaking pondo sa ambisyong pumanhik sa mas mataas na pwesto.
Ito ang kwento ng isang tamad na pulitiko – artistahin, glamoroso pero salat naman sa patunay ng pagiging sinsero. Katunayan, kalahati lang ang kanyang ipinasok sa trabaho, ayon mismo sa dokumentadong ulat ng kanilang konseho.
Sa ulat na isinapubliko ng Sangguniang Bayan ng Taytay, naging interesante ang numerong nangibabaw. Pinakakaunti ang araw na kanyang ipinasok at wala ni isang binalangkas na ordinansa o resolusyon man lamang na mandato ng isang mambabatas sa lokal na pamahalaan.
Sino nga ba itong konsehal na ating tinutukoy? Ayon sa ulat ng konseho, ang pangalan niya’y Sophia Priscilla Cabral, o higit na kilala sa kanilang lugar bilang Pia. Wow! Pangalan pa lang artistahin na, kaya naman pala ang mukha niyang ibinalandra sa dambuhalang billboard ay binaklas kasi wala nang bayad sa renta.
Sa 11 miyembro ng konseho, siya ay kulelat sa lahat ng aspeto. Ang siste, wala na ngang inakdang ano mang lehislatura, halos wala pang ipinasok sa trabaho. Hay naku, ginawa lang tsapa ang konseho! Hindi artista ang hanap ng masa. Hindi rin naman angkop ang puro lang dada at puna. Maling-mali rin lasunin ang isipan ng masa sa pagpapakalat ng mala-fairy tale na nobela.
Ano nga ba kailangan ng Taytay na higit na kilalang Garments Capital of the Philippines? Hindi kailangan maging miyembro sa isang malaking political clan para magsilbi sa bayan o maupong Vice Mayor tulad ng kanyang puntirya. Ang kailangan ng Taytay ay isang may pruwebang sipag, abilidad at determinasyong isulong ang adyenda ng tao at hindi ang interes ng partido.
Dapat din sigurong ihalal yaong tutumbasan ang tinatanggap na sweldo at hindi isang “mumung empleyadong” papasok lamang kung kailan niya gusto.
Bigla kong naalala ang mga artistang pumalaot sa pulitika ngunit pagkatapos mahalal ay nagbutas lang ng bangko. Pero sa aking sapantaha, mas maigi pa nga yaong mga nagbutas ng bangko dahil pumapasok at tinutumbasan ang tinatanggap na sweldo.
Hindi tulad ng ilang missing in action pero present pag araw ng sweldo!
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o kaya mag-text sa cell#0919-259-59-07.
221 