(BERNARD TAGUINOD)
TINANGGIHAN man ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maging bahagi ng Maharlika Investment Fund (MIF), makokontrol pa rin nito ang bubuuing council.
Ito, ayon kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ay dahil si Marcos ang magtatalaga ng mga board of director ng Maharlika Investment Council (MIC) na siyang mangangasiwa sa mga investment na papasukin ng gobyerno sa iba’t ibang industriya.
“President Marcos Jr. can easily appoint and control the MIC’s Board of Directors. With the government’s track record of not being transparent in terms of handling funds, we cannot trust it in handling P500 billion worth of public funds which could have been used for social services,” ani Brosas.
Maraming kumokontra sa MIF dahil isusugal umano ni Marcos ang pera ng bayan imbes na gamitin ito para sa kapakanan ng taumbayan lalo na’t marami ang naghihirap ngayon dahil sa epekto sa COVID-19 pandemic at mataas na presyo ng pagkain.
Kaugnay nito, hinamon ni House deputy speaker at Batangas Rep. Ralph Recto ang mga economic manager ng administrasyong Marcos na patunayang mali at haka-haka lang ang pangamba ng mga kritiko sa pet bill na ito ng Pangulo.
“The next order of the day is to shut down the critics. And because they have stuck out their necks for this, their professional reputation is also on the line. This is not just business, but personal,” hamon ni Recto.
Sinabi ng mambabatas na nakalatag sa batas ang mga dapat gawin para magtagumpay ang MIF tulad ng mga probisyon para hindi ito maabuso at kwalipikasyon ng mga magiging miyembro ng Maharlika Investment Council (MIC).
Nabatid naman kay House Speaker Martin Romualdez na hindi si Marcos o kaya ang Secretary of Finance ang mamumuno sa MIC matapos tablahin ito ng Pangulo at ipaubaya sa magagaling at experienced sa larangan ng pamumuhunan.
“It is a prudent move on the part of the President that would bolster its potential to achieve its purpose of mobilizing additional funds without the need for additional borrowings or taxes to accelerate the implementation of flagship infrastructure projects meant to sustain the country’s robust growth,” ani Romualdez.
Nilagdaan ni Marcos ang Republic Act (RA) 11954 o Maharlika Investment Fund Act of 2023 noong Martes.
“Kabaliwan”
Itinuturing naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na malungkot na araw ang paglagda ni Pangulong Marcos Jr. sa Maharlika Investment Fund Act na anya’y maglalagay sa bansa sa alanganin.
Tinawag din nitong madness o kabaliwan ang pagsasabatas nito dahil minadali ang pagbalangkas ng MIF na anya’y posibleng maging monster dahil nakadisenyo itong maging super-GOCC.
Muli ring iginiit ni Pimentel na walang surplus ang bansa o jackpot windfall profit na magagamit sa pagpondo dito.
At dahil manggagaling anya sa mga kasalukuyang funds ang ilalagak sa MIF, guguluhin lamang nito ang kasalukuyang sistema.
Inilatag din ni Pimentel ang mga grounds na maaaring gamitin sa paghahain ng petisyon sa Korte Suprema laban sa batas.
Kabilang dito ang depektibong Presidential Certification, kawalan ng Economic Viability, hindi makatarungang delegasyon ng Legislative Power, paglabag sa Substantive Due Process, paglabag sa
BSP Independence at ang nilagdaang batas ay hindi ang bersyong ipinasa ng Kongreso.
Sa huli, sinabi ni Pimentel na ang MIF ay bad idea, bad decision, at bad act. (May dagdag na ulat si DANG SAMSON-GARCIA)
110