MARCOS JR. ADMIN KINASTIGO SA NAKAUMANG NA RICE IMPORTATION

(BERNARD TAGUINOD)

BINANATAN ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang panukalang 330,000 MT rice importation ng administrasyong Marcos Jr. na patuloy na nagpapahirap sa mga magsasaka habang lalong pinayayaman ang kartel.

Ayon sa grupo, “great disservice to farmers and Filipinos” ang panukala ng National Food Authority (NFA).

Sa isang pahayag, sinabi ni dating congressman Rafael Mariano, chairman emeritus ng KMP, kung meron mang tuwang-tuwa sa planong ito ng NFA at Department of Agriculture (DA) na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., iyon ay ang mga rice cartel at hindi consumers.

Naniniwala rin ito na gumagalaw ang mga rice cartel at malalaking rice traders kaya tumaas ang presyo ng bigas ng P3 hanggang P5 kaya naglalaro na sa P42 ang kada kilo mula sa P37.

“Nandyan ang rice cartel at malalaking traders na nagmamanipula sa presyo at suplay ng bigas. Sila ang kumikita nang husto sa tuwing may pagtaas sa presyo ng bigas,” ani Mariano.

Kaugnay nito, hinamon ni Mariano ang NFA na maglabas ng totoong imbentaryo sa buffer stock bago mag-angkat dahil nagtataka ito na kung kailan nag-aanihan ay nauubos ang stock na bigas.

“Mag-imbentaryo muna dapat ang gobyerno. Ilan ba ang aktwal na suplay ng bigas sa ngayon, ilan ang estimate na aanihin ngayong anihan at sa susunod. Ang malaking problema, wala sa kamay ng NFA ang suplay ng bigas kundi nasa mga pribadong traders,” ayon sa dating mambabatas.

Inakusahan naman ng grupong Amihan National Federation of Peasant Women ang DA na siyang nagpapahirap sa mga magsasaka at consumers.

“Mga promotor ng importasyon at pagpapahirap sa magsasaka,” paglalarawan ni Zenaida Soriano, sa dalawang nabanggit na ahensya.

Nauna rito, inihayag ng NFA ang planong importasyon ng 330,000 MT ng bigas para umano tugunan ang hindi inaasahang deficit sa buffer stock sa bansa para sa relief operations ng iba’t ibang ahensya sa panahon ng kalamidad ngayong taon.

Sa isang kalatas, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na ipinanukala ng NFA ang importasyon ng 330,000 MT ng bigas.

Nauna nang tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maayos ang rice supply situation sa bansa subalit ang buffer stock ng NFA sa kasalukuyan ay mababa at kailangan i-replenish para umabot ng “least nine days worth of buffer stock.”

Sa isang pahayag, sinabi ng Pangulo na ipinatutupad na ng pamahalaan ang mga hakbang para kontrolin ang presyo ng bigas.

“Hindi tayo magkukulang sa bigas. At tinitingnan natin lahat ng paraan upang ang presyo ay ma-control natin at hindi naman masyadong tataas,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sa ilalim ng DA 2023 supply outlook, ang kabuuang suplay ng bansa ay pumalo sa 16.98 million metric tons (MMT), sapat para saklawin ang demand na 15.29 MMT para sa buong taon.

Base sa nasabing data, sinabi ng DA na magkakaroon ang bansa ng ending balance na 1.69 MMT, katumbas ng 45 araw ng buffer stock, sa halip na 90-day ideal buffer stock para mapanatili ang presyo ng bigas.

Gayunman, sinabi ng Pangulo na sa ngayon ay kailangan na magtayo at bumuo ang NFA ng buffer stocks mula sa lokal na magsasaka.

Tinuran pa nito na habang ang pamahalaan ay kinokonsidera ang importasyon, ang volume o dami ng bigas na pinapayagan na makapasok sa bansa ay bumaba.

“Magpaplano kami kung kailangan mag-import, kung kailangan magpahaba, magparami ng buffer stock sa NFA dahil masyado nang mababa. ‘Yun lang ang nakita naming problema, mababa ‘yung buffer stock ng NFA,” ang wika ng Pangulo.

Aniya pa rin, mapipigilan ng gobyerno ang pagtaas ng presyo ng bigas kung susubukan nilang itaas ang rice stockpile ng bansa.

“Kaya’t ‘yun ang hinahanapan namin ng paraan para i-adjust. Siguro ang magagawa natin ay ang pagbili ay hindi bigla. Hindi malaki. ‘Yun lamang. Also, you have to remember. This is agriculture, cyclical ito, by season ito,” aniya pa rin. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

312

Related posts

Leave a Comment