PAL EXEC, IBA PANG OPISYAL ITINALAGA NI BBM

(CHRISTIAN DALE)

MULING ginimbal ni incoming President Ferdinand Marcos Jr. ang sambayanan makaraang italaga bilang Kalihim ng Department of Transportation (DOTr) ang isang beterano sa larangan ng transportasyon – pero hindi kabilang sa kanyang mga kaalyado.

Sa isang kalatas, kinumpirma ng kampo ng susunod na Pangulo ang pagtatalaga sa DOTr kay Jaime Bautista – isang Certified Public Accountant (CPA) – base sa 25-taong karanasan sa larangan ng transportasyon, partikular sa Philippine Airlines (PAL) kung saan siya nagsilbing Presidente ng kumpanya sa loob ng 13 taon.

Sa datos na nakalap ng SAKSI Ngayon, lumalabas na dalawang ulit nagretiro bilang PAL President si Bautista bago tuluyang nagretiro taong 2019.

Bago pa man naging presidente ng PAL, nagsilbi rin siyang Vice President for Finance ng nasabing airline company mula 1993 hanggang 1994, Chief Finance Officer mula 1994 hanggang 1999, Executive Vice President mula 1999 hanggang 2004 at PAL president mula 2004 hanggang 2012 at 2014 hanggang 2019.

Kabilang sa mga bagong hirang si dating Light Rail Transit Authority (LRTA) Deputy Administrator Cesar Chavez bilang Undersecretary for Rails ng naturang departamento.

Higit na kilala si Chavez sa kanyang sigasig sa pagsusulong ng malalaking proyekto tulad ng Metro Manila Subway, PNR Manila – Calamba, PNR Manila – Bicol, at Tagum-Davao-Digos Mindanao rail projects.

Si Chavez din ang nangasiwa sa interconnection ng LRT Line 1 sa Monumento at MRT 3 sa North EDSA.

Bago pa man napasok sa sektor ng transportasyon, nanungkulan din siyang Assistant General Manager for Planning ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), chairman ng National Youth Commission (NYC) at kinatawan ng sektor ng kabataan sa Kamara sa ilalim ng 9th Congress.

Itinalaga naman bilang bagong chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) si Atty. Cheloy Garafil na nakilala bilang isang beteranong peryodista.

Bilang peryodista, naging bahagi siya ng malalaking news organizations kabilang ang Philippine Daily Globe, Central News Agency, Associated Press at pahayagang Malaya.

Itinalaga rin sa posisyon ng general manager ng Philippine Ports Authority ang negosyanteng si Christopher Pastrana.

Hinirang din ni Marcos, Jr. ang dalawang outgoing officials mula sa administrasyong Duterte bilang bahagi ng pagpuno sa mga bakanteng posisyon sa kanyang incoming administration.

Si outgoing Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre “Bebot” Bello III ay hinirang bilang Chairman at Resident Representative-designate ng Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Itinalaga bilang DOLE Secretary ni Pangulong Duterte noong 2016, dekada nang nasa public service si Bello at nagkaroon na rin ng iba’t ibang posisyon gaya ng Acting Secretary of Justice at kalaunan ay Solicitor General noong 1998 sa panahon ni dating Pangulong Fidel Ramos.

Naging bahagi rin siya ng gabinete ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula 2004 hanggang 2010 at naging party-list Representative mula 2013 hanggang 2016.

Samantala, muli namang ninomina ni Marcos si dating Cabinet Secretary Karlo Nograles bilang Civil Service Commission (CSC) Chairman-designate.

Si Nograles ay kabilang sa Duterte ad-interim appointees na na-bypassed bunsod ng kakulangan ng quorum ng Commission on Appointments (CA) nitong Hunyo.

Si Nograles, isang abogado, ay naging 1st district Representative ng Davao City sa loob ng 8 taon bago itinalaga ni Duterte sa ilang posisyon sa Executive branch.

72

Related posts

Leave a Comment