HINDI makatutugon sa kahirapan ng mga Pilipino, bagkus nagpapaalala lang sa kalupitan at kahirapan noong panahon ng diktadurya ang “Bagong Pilipinas” governance brand ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ganito inilarawan ng mga miyembro ng Makabayan bloc sa Kamara ang Bagong Pilipinas slogan na inilunsad ni Marcos noong Sabado na katunog ng Bagong Lipunan ng kanyang amang si Ferdinand Sr.
“Nagpapaalala sa mga Pilipino ng admin ni Marcos Sr. which was characterized by human rights abuses, corruption, cronyism, bagsak na ekonomiya at kahirapan ng mga mamamayan,” pahayag ni House deputy minority leader at ACT party-list Rep. France Castro.
Ayon sa mambabatas, ang kailangan ng mga tao ay kung paano tugunan ni Marcos Jr., ang mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain, mababang sahod, kawalan ng sapat na trabaho at paglabag sa karapatang pantao.
“Parang rehash na naman bagong lipunan. Those are slogans and will remain slogan wala namang pagbabago sa basic and fundamental problems ng Pilipinas at hindi masolusyunan ang taas presyo ng mga bilihin, dami pa rin below poverty line,” ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.
Sa ngayon aniya, pinagkakaitan ni Marcos ang mga manggagawa dahil dinagdagan lang ng P40 ang kanilang sahod, mabagal ang proseso ng job generation at walang tulong sa mga magsasaka para magkaroon sana ng sapat na supply ng pagkain.
Malala rin aniya ang katiwalian sa gobyerno na tila hindi pinapansin ng Pangulo dahil abalang-abala ito sa pagrere-branding gayung ito ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit naghihirap ang bansa dahil ang dapat na tulong na matatanggap ng mamamayan ay ibinubulsa ng mga tiwali sa pamahalaan.
“We need change higit pa sa branding lang,” ayon pa kay Brosas kaya hangga’t hindi nasosolusyunan ni Marcos Jr., ang mga problemang kinakaharap ng mamamayan ay walang aasahang pagbabago sa kanyang “Bagong Pilipinas” slogan.
Sa panig naman ng Anakbayan, pagpapabango lang umano ang layon nito para pagtakpan ang baho ng rehimeng Marcos-Duterte na inayunan naman ni Castro.
Inilunsad ng administrasyong Marcos ang “Bagong Pilipinas” campaign bilang “brand of governance and leadership”, bahagi ng pagsisikap na i-promote ang “all-inclusive” plan para sa economic at social transformation.
Sa ilalim ng Memorandum Circular (MC) 24, tinintahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Hulyo 3, ang “Bagong Pilipinas” ay mailalarawan anila bilang “principled, accountable, and dependable government reinforced by unified institutions of society whose common objective is to realize the goals and aspirations of every Filipino.”
Ang lahat ng national government agencies (NGAs) at instrumentalities ay inatasan na i-adopt ang “Bagong Pilipinas” campaign sa kanilang programa, aktibidad at mga proyekto, ayon sa kalatas ng Presidential Communications Office based on MC 24.
Sakop ng MC 24 ang government-owned or -controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs). (BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)
360