SA napipintong pag-upo bilang ika-17 Pangulo ng bansa, tiniyak ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tutumbasan niya ng katuparan ang pangakong binitawan noong panahon ng kampanya.
“Hindi namin kayo bibiguin,” ani Marcos sa kanyang mensaheng idinaan sa isang pre-recorded video na inilabas sa YouTube channel.
“Sa 31 milyong Pilipino pong nagtiwala at itinaya ang kanilang suporta sa UniTeam ay hindi po masukat ang pasasalamat namin ni Inday Sara. Hindi sapat ang mga salita upang ipaabot sa inyo kung gaano kami nagpapasalamat,” dagdag pa ng pambato ng Uniteam.
Kabilang rin sa kanyang binanggit sa kanyang mensahe ang mga local leaders na aniya’y agresibong nagsulong sa kanyang kandidatura. Kabilang sa mga partikular niyang sambit ang lalawigang aniya’y kilalang balwarte ng kabilang kampo – ang Cebu, Tarlac at Batangas.
Si Marcos Jr. ay nakatakdang manumpa pagsapit ng Hunyo 30, kapalit ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, itinanggi ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ng susunod na Pangulo, ang mga naglabasang pangalang diumano’y itatalaga sa gabinete, kasabay ng giit na magiging batayan sa paghirang ng mga Kalihim ay ang kakayahang maisakatuparan ang mga binitawang pangako ni Marcos sa sambayanan – kabilang mas mababang singil sa kuryente, mas murang produktong petrolyo, hanapbuhay, makatarungang pasahod sa mga obrero, pagpapalakas ng edukasyon, information technology, transportasyon, healthcare system at iba pa.
Paglilinaw pa niya, tanging sina incoming Vice-President Sara Duterte sa Department of Education at former Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos sa Department of Interior Local Government pa lamang ang kumpirmadong itatalaga sa pwesto.
727