(CHRISTIAN DALE)
DISMAYADO ang mga netizen sa inilabas na listahan ng mga pambato ng administrasyong Marcos sa pagkasenador sa midterm elections sa susunod na taon.
Karamihan sa mga komento ay patutsada na budol ang slogan na Bagong Pilipinas ng Marcos admin dahil wala namang pagbabago kundi pareho pa rin na mga trapo at produkto ng dinastiya ang kanilang ilalako sa mga botante.
Komento ng isang alyas Ricky: The Admin line up swarming with political butterflies and old recycled TRAPOS. Hindi nababagay ang Bagong Pilipinas na tagline ni BBM Jr dahil they are all the same, in fact dekada na ang iba, inuban na nga at 3rd world country pa rin ang Pilipinas.
ANO ANG BAGO?
Ganito naman ang pananaw ni Gising Pilipinas:
dalawang Villar dalawang Cayetano dalawang tulfo nakakaloka Senado ginawang family Business kaya hindi na maayos pamamalakad idagdag mo pa yung tatlong itlog wow only in the Philippines nakakalungkot talaga ang laro ng mga Politiko parang pansarili nalang hindi na para saBayan?
Habang ang isang X username na Genius: Kaya malabong umumlad ang Pinas, eh.
Same old, same old.
Nitong Huwebes, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang 12 prospektibong senatorial candidates ng administrasyon sa idinaos na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas Convention 2024 sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.
Ang lineup ay kinabibilangan ng mga kandidato mula sa iba’t ibang political party kabilang na ang Partido Federal ng Pilipinas (PFP), Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC) at Nacionalista Party (NP).
Kabilang dito ang kapatid ng Pangulo na si reelectionist Senator Imee Marcos mula NP, kasama ang kanyang mga party mates na sina Senator Pia Cayetano at Deputy Speaker at Las Piñas City Rep. Camille Villar.
Inanunsyo rin ni Pangulong Marcos ang kanyang suporta para kina dating senador Manny Pacquiao, Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. at Senate Majority Leader Francis Tolentino pawang mga miyembro ng PFP.
Inendorso rin niya sina Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo ng Lakas-CMD.
Kasama rin sa senatorial ticket ng administrasyong Marcos sina Senador Manuel “Lito” Lapid, dating Senate President Vicente Sotto III, at dating Senador Panfilo Lacson at Makati City Mayor Abby Binay ng NPC.
Sinabi naman ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, magsisilbi bilang Senate slate’s campaign manager, na ang pangunahing konsiderasyon sa pagpili ng ‘administration’s bets’ ay ang kanilang suporta para sa legislative agenda nito na naglalayong paunlarin ang buhay ng mga Pilipino.
“So,ang mahalaga dito ay talagang susuporta at naniniwala sila na ang plataporma ng Bagong Pilipinas, iyan ang magpapaunlad sa buhay ng bawat Pilipino,” ang sinabi ng Pangulo.
Samantala, “very confident” naman si House Speaker Martin Romualdez, sa winnability ng senatorial bets ng kasalukuyang administrasyon.
Ang election period ay magsisimula sa paghahain ng certificates of candidacy sa Oktubre 1 hanggang 8.
Sinabi naman ni Presidential Communications Office Acting Secretary Cesar Chavez na inaasahan na magdaraos si Pangulong Marcos ng assembly kasama ang kanyang mga napiling senatorial candidates, isang beses sa isang linggo.
56