TULOY-TULOY ang tulong ng pamahalaan sa mga sinalanta ng Bagyong Neneng, pagtiyak kahapon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kabilang sa mga ayudang ipinararating sa mga napinsala ang pagkain, inuming tubig at elektrisidad.
“To the provinces in the North that have felt the effects, help is on the way,” ani PBBM sa kanyang official Twitter account.
Hinimok din ni Pangulong Marcos ang mamamayan na sundin ang direktiba ng local government units at municipal disaster risk reduction and management councils.
Sa ulat ng PAGASA, kahapon ay lalo pang lumakas ang Severe Tropical Storm Neneng habang kumikilos pa-kanluran papalayo sa Babuyan Islands.
Huli itong namataan sa layong 115 kilometers Kanluran Hilagang-kanluran ng Calayan, Cagayan.
Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 25 kilometers per hour taglay ang lakas ng hanging aabot sa 100 km/h malapit sa gitna at pagbugsong 125 km/h.
Itinaas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 3 sa katimugang bahagi ng Batanes (Basco, Mahatao, Uyugan, Ivana at Sabtang) at Babuyan Islands.
Signal No. 2 naman sa nalalabing bahagi ng Batanes, nalalabing bahagi ng Cagayan, Apayao, hilagang bahagi ng Abra (Tineg, Lacub, Lagayan) at Ilocos Norte.
