Virtual meetings muna habang naka-isolate PRES. BONGBONG TULOY SA TRABAHO

(CHRISTIAN DALE)

NASA mabuting kondisyon si President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at patuloy na nagtatrabaho habang naka-isolate matapos magpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, patuloy na nagbibigay ng mga direktiba sa kanyang mga gabinete ang Pangulo.

Nitong Biyernes, nagpositibo sa COVID-19 antigen test ang Pangulo at nakaranas ito ng bahagyang lagnat, pagbabara at pangangati ng ilong at minsanang pag-ubo.

Ayon kay Angeles, Sabado ng tanghali ay binisita si PBBM ng kanyang doktor kung saan idineklarang nasa maayos na kalagayan ang Pangulo.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na nagpositibo sa COVID-19 si Marcos Jr.

Samantala, sa pamamagitan ng kanyang social media account, nabatid na virtual na tinipon at pinulong ng Pangulo ang mga bagong halal na governor at city mayor sa buong bansa upang mapag-usapan at talakayin ang pagbabalik ng face-to-face classes at ang booster campaign rollout sa bansa.

Pinasalamatan niya ang mga dumalo lalo na sina Vice President Sara Duterte, DILG Sec. Benhur Abalos, at DOH USec. Rosario Vergeire.

Iniulat din ng Pangulo na humingi siya ng suporta sa LGUs para sa booster campaign rollout upang mas ligtas na masimulan ang pagbabalik ng face-to-face classes at sa muling pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.

“I hope that you will be part of the effort that we have to bring us back to normal. This is really part of the effort to bring us back to normal,”ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang virtual speech sa harap ng mga bagong elected governors at city mayors.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng in-person learning para sa mga estudyante at maging ang pagbubukas ng ekonomiya na hindi mag-aalala ang mamamayan ukol sa “reimposition” ng lockdowns.

“Gawin natin itong booster rollout at makakatiyak tayo [na] wala nang lockdown at ayaw na ayaw na naming magkaroon ng lockdown. Kaya’t ito naman ang magiging pang-counter natin diyan sa pagkalat na naman nitong Omicron and its variants,” pahayag ng Pangulo.

Hiniling din niya sa mga ito na tulungan ang mga ahensya sa pag-replicate ng massive COVID-19 vaccine rollout na isinagawa noong nakaraang taon, at pinuri ang mga ito sa kanilang “very, very good job.”

Nais ni Pangulong Marcos na magsagawa ang LGUs ng large-scale immunization drive para sa booster shot na ang target ay school children upang sa gayon ay masiguro na ligtas ang mga ito na magbabalik- eskwela sa Agosto o Setyembre.

Sinabi ni Pangulong Marcos na plano ni VP at Education Secretary Duterte ang “phased return” ng face-to-face classes, simula sa “two-day, or three-day weekly class schedule.

Kapag naging matagumpay aniya ang malawakang vaccination drive, papayagan na ng gobyerno ang mga kabataan na magbalik sa full face-to-face classes at buksan ang nalalabing ekonomiya na ayon kay Marcos ay makapagbibigay ng signal sa ibang bahagi ng mundo na ang Pilipinas ay bukas na para sa negosyo.

Ikokonsidera rin ng pamahalaan na tuluyang i-relax ang alert level at gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask.

198

Related posts

Leave a Comment