CAVITE – Nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang 21-anyos na factory worker makaraang pagsasaksakin ng dating kasintahan ng kanyang live-in partner sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigan noong Linggo ng gabi.
Inoobserbahan sa ospital ang biktimang si Roselyn Mariano, may live-in partner, residente ng Brgy. San Jose, GMA, Cavite dahil sa tama ng saksak mula sa suspek na si alyas “Angel”, 18, walang trabaho, ng Brgy. San Jose, GMA, Cavite.
Nabatid na nagpang-abot ang biktima at suspek habang naglalakad sila sa Brgy. San Jose, GMA, Cavite. Sa puntong ito, kinumpronta umano ng suspek ang biktima hinggil sa relasyon nito sa dati niyang live-in partner.
Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo, naglabas ng patalim ang suspek at sinaksak ang biktima sa kili-kili at tiyan.
Pagkaraan ay tumakas ang suspek ngunit nadakip sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad. (SIGFRED ADSUARA)
133 