UMAABOT na sa P4.3 trillion ang reserve deficit ng Social Security System sa unang bahagi ng 2021.
Ito ang nabatid kay House ways and means committee chairman Rep. Joey Salceda kaya nagpatawag na ito ng imbestigasyon upang maresolba ang nasabing problema bago pa tuluyang lumala at walang matanggap na pensyon ang mga batang miyembro sa kasalukuyan.
“The problem doesn’t hurt yet, because we still have a very young workforce who exceed our pensioners. But it’s our duty as lawmakers to solve this now rather than hurt our children in the future,” ani Salceda.
Ayon sa mambabatas, ang nasabing halaga ay kabayaran sa lahat ng mga miyembro ng SSS kahit ang mga nagtatrabaho ngayon o ang tinatawag na pension liabilities ng nasabing government insurance firm.
Ito rin umano ang pangunahing dahilan kung bakit hindi maibigay ng SSS ang karagdagang P1,000 pensyon sa mga miyembro na nagretiro na o ang mga senior citizen.
Dahil dito, kailangang gumawa aniya ng paraan ngayon pa lamang ang Kongreso para resolbahin ang problema at masiguro na may matatanggap na pensyon ang mga miyembro nito kapag nagretiro ang mga ito.
Isa sa mga solusyon na nais umanong itulak ng Kongreso para masiguro ang pensyon ng mga miyembro ng SSS ay payagan ito na makipagkumpetensya sa mga private pension provider at dagdagan ang kontribusyon.
“Definitely, we will have to increase both current income streams and contributions. We must resist the temptation of legislating entitlements without securing proportional funding sources,” ayon pa sa mambabatas.
“And I still dare dream that someday, the SSS pension will be similar to that of countries like those in Europe that meet the retirement needs of its workers. At the very least, let’s aim for something like the Singapore model that covers all of the essentials for retirement – housing, healthcare, living expense,” dagdag pa ni Salceda. (BERNARD TAGUINOD)
