Bente sentimos hanggang piso TAAS-PRESYO SA 76 PRODUKTO

NASA 76 items ang may bagong suggested retail price o SRP matapos payagan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paggalaw sa presyo mula sa kabuuang 216 produkto.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, mula bente sentimos hanggang piso lamang ang absolute minimum na pinayagan ng gobyerno na maitaas sa presyo ng mga produktong ito.

Kabilang dito ang noodles, kape, gatas, condiments, gayundin ang non-food items tulad ng sabong panlaba at iba pa.

Sinabi ni Castelo na isang item ng corned beef lamang ang tumaas ng higit dalawang piso base sa inilabas na suggested retail price ng DTI o 2 pesos at 85 centavos.

Matagal na kasing hindi gumagalaw ang presyo nito o noon pang 2019 kung kailan sila humiling na magtaas ng presyo subalit pinigilan muna noon ng DTI.

Depensa ng opisyal, hindi naman anila pwedeng patuloy na pigilan ang paggalaw ng presyo ng ilang produkto dahil baka magresulta aniya ito sa pagbagsak ng industriya, posibleng magsara o

kaya ay magbawas ng mga manggagawa o tuluyan na silang hindi mag-produce at mawalan ng pagpipilian ang consumers.

Siniguro naman ng DTI na mahigpit ang kanilang pagbabantay para matiyak na nasusunod ang SRP.

Nilinaw pa ni Castelo na ang SRP ay ina-apply lamang sa malalaking supermarket at grocery stores, at hindi sa mga convenience store at sari sari stores. (JG TUMBADO)

182

Related posts

Leave a Comment