BERSAMIN: ‘DI AKO NAG-RESIGN

ITINANGGI ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin na siya ay nagbitiw sa tungkulin, taliwas sa anunsyo ng Malacañang na “out of delicadeza” umano ang kanyang pag-alis sa Gabinete.

“Masarap pakinggan ang out of delicadeza. Pero di naman totoo ‘yan, di ako nag-resign,” aniya.

“I bow to the prerogative of the President… pero wala akong ibinigay na resignation letter.”

Ayon pa sa kanya, ang tanging sulat na ipinadala niya ay kung paano siya papalitan, at iyon ay pinirmahan lamang niya nitong November 18, samantalang November 17 pa diumano in-announce ng Malacañang ang pagbibitiw niya.

“The messaging should be clear. You ask them if they had a letter,” hamon ni Bersamin.

Pinabulaanan din ni Bersamin na sangkot siya sa kontrobersyal na flood control projects.

“The Office of the Executive Secretary does not have anything to do with insertions or budget,” giit niya.

“I vehemently deny na may sinabi ako kay Sec. Bonoan na ‘we will take care of it.’ Hindi totoo ‘yan.”

Aminado siyang malaking problema para sa kanya ang pagkakadawit ng kanyang tanggapan, pero handa raw siyang harapin kahit demanda, huwag lang imbestigasyon na puro tsismis.

“Kung gusto niyo akong i-implicate, idemanda niyo na lang ako para sagutin ko ng tama,” sabi niya.

“Right now, puro innuendo, puro pasaring. Justice ako dati — wala akong eskandalo.”

Nang tanungin kung haharap siya sa anomang inquiry, sagot niya: “Wag na. Kung gusto ninyo akong kasuhan, kasuhan ninyo ako. Ayaw ko nang magsira-sira ng buhay ng tao.”

Paliwanag ng Palasyo

Ayon sa Presidential Communications Office, boluntaryong nagbitiw daw sina Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman upang bigyan ang administrasyon ng “full latitude” para tugunan ang imbestigasyon sa flood control anomaly.

Pero ayon kay Bersamin ay iba ang nangyari.

Samantala, nanumpa na sa Palasyo sina Ralph Recto bilang Acting Executive Secretary at Frederick Go na tatayong Acting Finance Secretary.

Inaasahang pangangasiwaan ni Recto ang day-to-day operations ng Office of the President, palakasin ang inter-agency coordination, at isulong ang high-impact programs ng administrasyon.

Bagong upo naman si Go sa Department of Finance matapos magsilbing Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs.

Ayon sa Palasyo, ang pagpapalit ng liderato ay nagpapakita ng commitment sa clean governance at institutional strengthening sa gitna ng imbestigasyon sa budget irregularities.

(CHRISTIAN DALE)

93

Related posts

Leave a Comment