PINASASAMPOLAN kay incoming Agriculture Secretary at President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga high-ranking official at politiko na sangkot umano sa vegetable smuggling.
Kasabay nito, hiniling ng grupo ng mga magsasaka kay Marcos na sawatain ang smuggling ng mga gulay mula sa China upang makabangon ang vegetable farmers sa bansa.
“During the Senate probe in March, it was announced that high-ranking government officials, including politicians, were behind the smuggling of vegetable products from China,” ani dating Congressman Ariel Casilao ng Anakpawis.
Kailangan tukuyin aniya ang mga opisyales ng gobyerno at mga politiko at sampulan ni Marcos upang magsilbing babala dahil ang mga ito ang pumapatay sa mga magsasaka sa bansa.
Swak umano ang mga hindi pa pinapangalanang government officials at politiko sa economic sabotage na nakapaloob sa Republic Act (RA) 10845 o Anti-Agricultural Smuggling Act.
Umaasa rin si Casilao na matitigil na ang smuggling ng gulay mula sa China dahil ito ang dahilan kung bakit nalulugi ang mga magsasaka sa bansa.
“Ang interes ng mga magsasakang Pilipino ay dapat manaig kaysa interes ng China sa mga bumabaha nitong produktong agrikultural,” ayon pa sa dating mambabatas.
Nabatid na mula Setyembre hanggang Nobyembre 2021 ay P539 million halaga ng gulay mula sa China ang ilegal na ipinasok sa bansa kaya ganito rin ang nalugi sa mga lokal na magsasaka sa nabanggit na panahon.
“Dapat na suportahan ng malawak na mamamayan ang panawagan ng mga magsasaka na matigil ang smuggling, lalona ang galing sa China dahil ito ang higanteng producer at exporter ng mga produktong kakumpitensya ng lokal,” ayon pa kay Casilao. (BERNARD TAGUINOD)
