BIG TICKET GOV’T PROCUREMENT SA ILALIM NG PS-DBM PINASUSUSPINDE

HINILING ni Senator Joel Villanueva na pansamantalang itigil ng mga ahensya ng gobyerno ang paggamit sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) bilang ahente nito sa mga big-ticket projects hanggang makapagpatupad ng reporma sa opisina at malinis ang kanilang pangalan mula sa kontrobersya.

“Para pong balde na tadtad ng butas ang PS-DBM. Kung magpapatuloy po ang daloy ng pondo, ang daming masasayang. Isara po muna ang gripo at selyuhan ang mga butas,” aniya.

Naniniwala ang mambabatas na mapapabilis ang pagbili ng mga gamit na kailangan ng mga ahensya kung ang mga ito ang magsasagawa ng bidding.

“Wala na pong commission na babayaran sa middle man, tulad ng PS-DBM kung mismong mga ahensya na ang magsasagawa ng bidding,” ani Villanueva.

Dagdag pa ng senador, tila ginagamit ng mga ahensya ang PS-DBM para i-park ang kanilang pondo upang mapahaba ang validity nito.

“Kapag nalipat po kasi ang expiring allotments sa PS-DBM, napapahaba muli ang validity nito,” paliwanag ni Villanueva.

Ang mga naturang pondong inilipat ay magiging “obligation” sa libro ng mga ahensya at hindi na magiging “unspent fund” na dapat ibalik agad sa national treasury, aniya.

“Nagtataka po tayo kung bakit mismo ang DBM, na nangunguna sa panawagang mabilis na paggastos ng pondo, ang pumapayag sa ganitong klase ng simulated spending,” giit ni Villanueva.

Nilinaw ni Villanueva na tanging ang mga bagong kontrata lamang ang saklaw ng kanyang apela sa pansamantalang pagtigil-operasyon ng PS-DBM.

“Patuloy pa rin po ang operasyon nito bilang bulk buyer ng mga tinatawag na common-use supplies ng gobyerno.”

Hinikayat rin ng senador na ibalik na lamang ng PS-DBM ang mga pondong hindi pa nagagastos sa mga ahensya at paspasan pa ang mga kasalukuyang big-ticket procurement contracts. (ESTONG REYES)

147

Related posts

Leave a Comment