BIG TIME PURCHASES NAKOPO NG ‘BATA’ NI BONG GO

HINDI rin makalulusot sa mga militanteng mambabatas sa Kamara ang dating aid ni Sen. Christopher “Bong” Go na si dating Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Lloyd Christopher Lao dahil sa mistulang pagkopo umano nito sa malalaking purchases ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Pipigain ng Makabayan bloc congressmen ang ‘bata’ ng senador upang alamin ang lahat ng mga transaksyong pinasok nito bilang hepe ng Procurement Service (PS) ng DBM na nagkakahalaga ng P42 billion.

“Mabigat ang finding so far. Malaki yung P42 billion (na procurement funds ng DBM-PS),” ani Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na hindi matanggap na bumili ng napakamahal na face shield at face mask si Lao.

“Parang ginamit ang pandemya para ikutan ang usual procurement requirement. Ito technically ay pagpo-profit out of people’s health kaya marapat na imbestigahan natin,” dagdag pa ng mambabatas.

Lumabas sa pagdinig ng Senado na bumili si Lao ng face mask na nagkakahalaga ng P27.72 gayung P5 lang ang bawat isa nito habang nagkakahalaga naman ng P120 ang face shield na P10 hanggang P15 lamang ang presyo.

Sinabi naman ni ACT party-list Rep. France Castro na bagama’t hindi nila maipatatawag si Sen. Go dahil sa umiiral na parliamentary courtesy sa dalawang Kapulungan ng Kongreso, aalamin nila ang kaugnayan ni Lao sa Senado.

“Ako personally, meron bang kaugnayan nito dahil si Senator Go ay chairman ng health committee sa Senate at ito ay aide nya. From DOH may problema tayo sa pondo….so parang may relasyon ano, tingnan na lang natin,” ani Castro.

Ayon naman kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, panahon nang imbestigahan ang PS dahil mistulang kinukuha ng DBM-PS ang malalaking procurement program ng mga ahensya ng gobyerno.

“Parang sine-centralize, kinokopo ang lahat ng purchases ng iba’t ibang ahensya and I think this is anomalous,” ani Zarate kaya kakalkalin umano ng mga ito ang lahat ng transaksyon ng nasabing tanggapan na dating pinamumunuan ni Lao.

Si Lao ay nag-resign sa DBM at may mga report na nag-aapply ito bilang deputy Ombudsman. (BERNARD TAGUINOD)

170

Related posts

Leave a Comment