BIKTIMA NG KARAHASAN IPAGDASAL

NANAWAGAN si Senador Leila de Lima sa publiko na patuloy na ipagdasal at ipaglaban ang katarungan para sa mga biktima ng karahasan at senseless killing sa bansa.

Binigyang-diin din ni de Lima ang panalangin para sa kalakasan at kapayapaan ng mga pamilya na patuloy na nalulumbay sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay dahil sa pandemic.

“Dalangin ko po ang patuloy na lakas, tatag at kapanatagan ng loob ng bawat isa sa atin sa kabila ng patuloy na pangungulila at banta ng krisis. Patuloy ko ring ipinagdarasal, hinahangad at ipinaglalaban na makamit na ng mga biktima ng karahasan at pamamaslang ang hustisya,” saad ni de Lima.

“Dahil paano nga ba masasabing ‘namayapa’ sila kung patuloy namang naghuhumiyaw para sa katarungan ang pamilya ng mga biktima?” dagdag nito.

Sa kabila ng mga pagsubok, sinabi ni de Lima na kailangan ngayon ng bawat isa ng pakikisimpatiya sa bawat isa at ipadama ang pagmamahal.

“Ito ang pangalawang Undas sa gitna ng pandemya. Hindi tuloy natin malubos ang pagsasama-sama sa pag-alala sa mga pumanaw nating mahal sa buhay. Marami nga sa atin ang hindi na makakabisita sa sementeryo o makakauwi sa kani-kanilang probinsya,” giit ni de Lima.

“Kaakibat ng ating pakikidalamhati at pag-unawa, ang pagdamay at pakikipaglaban para maibalik kung ano ang tama at nararapat para sa lahat. Ibalik ang hustisya! Laban lang!” dagdag ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)

166

Related posts

Leave a Comment