LAGUNA – Nalunod ang isang 18-anyos na binata habang nangingisda sa Laguna lake sa Barangay Malaban, Biñan City sa lalawigang ito, noong Linggo ng madaling araw.
Batay sa report ng Biñan City police, nakita na lamang ng kanyang kapatid ang walang malay na biktimang si Lester Casalme habang nakalubog sa lawa at nakapulupot sa paa nito ang lambat.
Agad itong isinugod sa Ospital ng Biñan ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Ayon sa kapatid nito na si Ian Casalme, naghiwalay sila ng biktima nang lumusong ito sa tubig habang siya naman ay sa kabilang ibayo.
Ngunit makalipas ang ilang minute, hindi bumalik ang kapatid sa kanilang tagpuan sa pampang kaya nagpasya siyang hanapin ang biktima.
Hinihinalang hindi nakalangoy ang biktima dahil sa lambat na pumulupot sa paa nito naging sanhi ng kanyang pagkalunod. (NILOU DEL CARMEN)
288
