BIR OFFICIAL KINASUHAN SA PAGHINGI NG ‘SOP’

APAT na kaso ang kinahaharap ng isang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) makaraang sampahan ng National Bureau of Investigation (NBI).

Kinilala ang suspek na si Revenue Officer lV Flora Albao ng BIR Revenue District Office – 9 3A (RDO).

Ayon sa ulat na isinumite ni NBI Regional Director Moises Tamayo , kay NBI Director Eric Distor, ang mga kasong inihain kay Albao ay paglabag sa Art. 294 ng Revised Penal Code; Tax Reform Act of 1997; Anti-Graft and Corrupt Practices Act; at Code of Conduct and Ethical Standards for Public Offices and Employees.

Napag-alaman, isang negosyanteng babae ang nakatanggap ng notice na mayroon siyang P30.7 milyon tax liabilities at binigyan ng limang araw para mag-ulat sa RDO-93A.

Nagtungo sa opisina ng BIR ang negosyante na inutusang magsumite ng mga kaukulang dokumento para mabawasan ang kanyang buwis.

Inalok din umano ni Albao ang negosyante na mababawasan ang kanyang tax liabilities kapag nagbayad ito ng P1 milyong “SOP” o standard operating procedure.

Sa takot ng negosyante, nagbigay ito ng pera ngunit P500,000 lamang ang kaya niyang maibigay kay Albao.

Binigyan umano ng grace period ng suspek ang biktima para bayaran ang nalalabing P500,000 ngunit humingi ng tulong ang negosyante sa NBI na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek sa ikinasang entrapment operation sa tanggapan ng RDO-15 sa Barangay Zone 4. (RENE CRISOSTOMO)

184

Related posts

Leave a Comment