BISHOP ALMINAZA SA LABOR ASSEMBLY: KRISTO NASA PANIG NG ANAKPAWIS

SA paglulunsad ng Labor Consultative Assembly na inisyatiba ni Bishop Gerardo “Gerry” Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines, iginiit ang katotohanan na ang usapin sa paggawa ay hindi lang pang-ekonomiya kundi laban para sa dignidad ng tao.

Sa harap ng halos 500 labor leaders at union members, iniugnay ni Alminaza ang paninindigan ng Simbahan sa paggawa sa pariralang biblikal na Dilexi Te—Latin para sa “Minahal Kita” (Revelation 3:9).

Ayon sa obispo, ang mensahe ay tuwirang patungkol sa mga manggagawang dumaranas ng kawalan ng seguridad, diskriminasyon, at pagsasamantala, paalala na ang kanilang halaga ay nagmumula sa Diyos at hindi sa merkado.

Sa paliwanag ni Alminaza, malinaw ang panig ni Kristo: hindi siya neutral. Siya ay nasa panig ng dukha, kontraktwal, mababang sahod, at ng mga manggagawang doble ang pasan, lalo na ang kababaihan.

Ang preferential option for the poor, ayon sa obispo, ay hindi simpleng charity kundi moral at pulitikal na paninindigan laban sa exploitation. Ang kontraktwalisasyon, sahod na hindi makatao, at pagyurak sa karapatang mag-unyon ay tinawag niyang modernong anyo ng pagpapako kay Kristo sa krus.

Giit ni Alminaza, hindi dapat maging bystander ang Simbahan. Dapat itong kasama sa laban ng uring anakpawis.

Paalala pa niya, sa bawat manggagawang inaapi, sinasabi ni Kristo, “Minahal Kita.”

At sa bawat Kristiyanong nananahimik sa harap ng inhustisya, tanong niya: “Kanino ka papanig?”

Si Bishop Gerry Alminaza ay chairman ng CBCP Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace at kasalukuyang Obispo ng Diocese of San Carlos, Negros Occidental.

2

Related posts

Leave a Comment