BISTADO NA ANG PHILIPPINE ARMY

HINDI na bago ang cyber-attack sa websites ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at maging sa mga pribadong korporasyon. Karaniwang pakay nito ang magnakaw ng mga klasipikadong impormasyon o ‘di naman kaya’y isabotahe ang operasyon ng target na tanggapan.

Ito rin ang dahilan sa likod ng paglikha ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na may mandatong pangasiwaan at tiyaking nasa ayos ang lahat ng may kaugnayan sa cyberspace o yaong tinatawag na internet.

Madalas na biktima ng cyber-attacks ay ang websites ng media entities na kritikal sa ­gobyerno. Ilan na nga ba ang nahagip ng pananabotahe sa kani-kanilang news portals? Hindi na mabilang at marami sa kanila ay yaong maliliit na media networks na hayagan kung bumira sa administrasyon.

Suspetsa ng marami, gobyerno ang nasa likod ng cyber-attacks. Gayunpaman, walang ebidensyang magpapatunay nito.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang umamin ang DICT.

Ayon sa Computer Emergency Response Team (CERT-PH) na siyang inatasan para sa pag-iimbestiga ng cyber-attacks sa media, nagmula ang cyber-attack sa IP address ng Philippine Army.

Susmaryosep! Maliwanag pa sa sikat ng araw na may magwawala na naman sa Palasyo. ­Dangan naman kasi, sikreto ng estado ay nabisto.
Higit pa sa pagwawala ng bida sa Palasyo, mukhang may masisibak din sa pwesto.

Sa ulat ng CERT PH, kinumpirma nito ang hinala ng marami. Gobyerno nga ang pasimuno sa mga pananabotahe sa news websites.

Gayunpaman, hindi naging ganap ang imbestigasyon dahil sa umano’y kawalan ng kooperasyon ng tanggapang gumagamit ng nasabing IP address – ang Philippine Army.

Bagama’t nananatiling malaya ang peryodismo sa bansa, malinaw na may banta laban sa hanay ng mga mamamahayag na ang ­tanging kasalanan ay magpahayag ng katotohanan at kung may sapat na batayan ay magsiwalat ng katiwalian at kabulastugan sa loob at labas ng pamahalaan.

Higit pang nakababahala ay ang nalalapit na pilian para sa susunod na pamunuan. Paano kung biglang isabotahe ang isang news website na makabibisto ng panibagong dayaan o ­maniobra sa halalan?

Adios na naman tayo Pilipinas!

222

Related posts

Leave a Comment