PINAGKALOOBAN ng Board of Investments (BOI) ng Green Lane Certification ang 31 proyekto na nagkakahalaga ng P18.7-bilyon at tinatayang makalilikha ng hanggang 7,000 trabaho sa lalawigan ng Bulacan.
Ang Green Lane ay itinatag sa pamamagitan ng isang executive order para simplehan, pabilisin, at i-automate ang mga proseso ng pagpaparehistro at pag-apruba ng gobyerno sa strategic investments.
Ang Board of Investments ay ang nangungunang ahensya sa pagsulong ng pamumuhunan ng gobyerno ng Pilipinas, isang kalakip na ahensya ng Department of Trade and Industry (DTI).
Ang pangunahing tungkulin nito ay isulong at akitin ang parehong lokal at dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas.
Sinabi ni Senador Joel Villanueva noong Sabado, ang lalawigan ng Bulacan ay naging sentro ng mga proyekto sa food security ng bansa.
Binigyang-diin ni Senador Villanueva na nakahanda na ang lalawigan ng Bulacan para maging isang strategic economic hub sa bansa sa tulong ng iba’t ibang pinagkukunan ng pangkabuhayan, mahuhusay na mga manggagawa, at mas mabilis na access sa freeports sa Subic at Bataan.
“Bulacan is a natural extension of Metro Manila going to the north. The rails are coming, the airport is being constructed, more roads are being built. Development has nowhere to go but Bulacan,” paglalarawan ni Villanueva sa kanyang probinsyang pinanggalingan.
(ELOISA SILVERIO)
