NANGANGANIB mawala ang pinagkukunan ng medalya ng Pilipinas sa Olympics — boxing at weightlifting.
Ito’y kung magpapasiya ang International Olympic Committee (IOC) na tuluyan nang alisin ang dalawang nabanggit na sports sa 2024 Paris Games.
Sa inamyendahang Olympic Charter, binigyan ng kapangyarihan ang IOC na magpasiya sa kapalaran ng international sports federation.
Nauna nang kinastigo ng IOC ang weightlifting at boxing nang bawasan ang quota ng mga atleta para sa 2024 Paris Games bunga ng internal problems sa dalawang sports federation.
Maaaring tuluyang alisin ang weightlifting sa Paris Olympics dahil sa mahabang panahon ng doping at corruption charges.
Inalis naman ang pamamahala sa boxing mula sa International Boxing Association dalawang taon na ang nakalilipas, dahil sa pagdududa sa integridad nito sa nakaraang 2016 Rio de Janeiro Olympics.
Rerebisahin pa ng IOC ang boxing results sa katatapos lang na Tokyo Olympics at kung naisagawa ang mga reporma sa AIBA para madesisyunan kung ibabalik sa kanila ang responsibilidad sa nasabing isport sa ilalim ng pangulo nitong si Umar Kremlev.
Galing sa weightlifter na si Hidilyn Diaz ang kauna-unahang Olympic gold medal ng Pilipinas. Mula sa boxers na sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam ang dalawang silver at mula kay Eumir Marcial naman ang bronze medal ng bansa sa Tokyo Olympics.
Maging sa mga nakaraang quadrennial Games ay kadalasang galing sa boxing ang nakukuhang medalya ng bansa. (ANN ENCARNACION)
133 