BPO HR HEAD NINAKAWAN NG HIGIT P6-M NG EX-BF

PORMAL na inireklamo ng 43-anyos na head ng Human Resources (HR) ng Business Process Outsourcing (BPO) Company ang sinasabing ex-boyfriend nito matapos umano siyang pagnakawan ng mahigit P6 milyong halaga ng mga alahas at ari-arian sa kanyang condo unit sa Barangay Bagumbayan, Quezon City.

Naghain ng reklamo ang biktimang si Darwin Bicao Rivers, 43, laban sa suspek na si Samuel Angelito Caraos na pinaghahanap pa ng pulisya.

Sa inisyal na report ng Eastwood City-Libis Police Station (QCPD PS-12), bandang ala-1:12 ng hapon noong September 23 nang madiskubre ang nakawan sa unit ng biktima sa Tower 1, One Eastwood Avenue Condominium, Eastwood City.

Sa imbestigasyon ni Pat. Nestor Ariz, ng QCPD PS-12, lumilitaw na sina Rivers at Caraos ay nagsama ng dalawang taon at nagkahiwalay noong March 2021.

Bagamat wala nang relasyon ay nanatili pa rin umanong magkaibigan ang dalawa kaya naman hindi binawi ni Rivers ang spare key at tenant pass sa condominium unit dahil tiwala siya sa dating kinakasama.

Sa nasabing petsa ay umalis umano ang biktima sa condo at iniwan na bukas ang seradura ng pinto bago nagtungo sa SM Marikina para mag-grocery, subalit pagbalik niya ay natuklasan nawawala na ang ilan sa kanyang mga gamit at alahas.

Sa CCTV footage ay nakitang pumasok sa unit ng biktima ang dating kinakasamang si Caraos at nang lumabas ay may dala na itong SM eco bag na posibleng kinalalagyan umano ng mga tinangay na gamit. (LILY REYES)

382

Related posts

Leave a Comment