BRGY. KAGAWAD BINARIL, GUNMAN NAPATAY

NAPATAY ng mga tauhan ng Manila Police District ang isang 52-anyos na lalaki makaraang barilin ang isang barangay kagawad sa Quiapo, Manila, noong Biyernes ng gabi.

Namatay noon din ang gunman na kinilalang si Edgardo Maluto y Languitan, ng Zone 6, Capisnon, Kauswagan, Cagayan De Oro.

Inoobserbahan naman sa Metropolitan Medical Center sanhi ng dalawang tama ng bala sa katawan ang biktimang si Alinor Sharief y Saronay, 51, may asawa, barangay kagawad sa Brgy. 283 at residente sa #821 Arlegui St., Quiapo.

Batay sa ulat ni Det. Jansen Rey San Pedro ng MPD-Homicide Section, bandang alas-6:20 ng gabi habang kumakain si Kagawad Sharief, kasama ang asawa nito sa Rizza Food Haus sa Arlegui St. sa Quiapo nang pagbabarilin ito ng suspek.

Pagkaraan ay mabilis na tumakas ang suspek ngunit ilang bystander sa lugar ang humingi ng saklolo sa MPD-Barbosa Police Station 14.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga awtoridad at nang masukol sa Nicanor Reyes St., Sampaloc ang suspek ay nagtangka itong manlaban kaya binaril ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay nito.

Masusing iniimbestigahan ng mga awtoridad kung ang suspek ay hired killer at kung sino ang mastermind sa krimen. (RENE CRISOSTOMO)

202

Related posts

Leave a Comment