CAVITE – Tila promotor pa ng pagsusugal ang ingat-yaman ng isang barangay nang kabilang ito sa mga dinampot nang maaktuhan habang naglalaro ng tong-its sa kanilang barangay sa bayan ng Rosario sa lalawigang ito, noong Huwebes ng hapon.
Kasong paglabag sa PD 1602 (illegal gambling) ang kinahaharap nina Nanil Ekit y Dialde, 39; Ana Maria Gonzales y Hernandez, 62, at Jennibeth Limbo y Astorge, 35, barangay treasurer, at pawang residente ng Brgy. Bagbag 1, Rosario, Cavite.
Ayon sa ulat ni Corporal Ricardo Mendoza ng Rosario Police Station, dakong alas-3:30 ng hapon nang magsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng Rosario MPS kontra illegal gambling sa Brgy. Bagbag 2, Rosario, Cavite kung saan naaktuhan ang tatlo habang naglalaro ng tong-its.
Nakuha sa lugar ang baraha at pusta na pera na nagkakahalaga ng P382. (SIGFRED ADSUARA)
