BUDGET SA MEDICAL SCHOLARSHIP TINAASAN

PINALAKI sa P2.6 bilyon ang pondo para sa medical scholarship sa 2022 upang palawakin pa ang pagpapatupad ng Doktor Para sa Bayan Act na naglalayong lumikha ng libu-libong bagong doktor kada taon, ayon kay Senator Joel Villanueva.

Ani Villanueva, pangunahing sponsor ng batas, ang P2.6 bilyon ay ipamamahagi sa state universities and colleges o SUCs na may M.D. program, sa Department of Health (DOH) at sa Commission on Higher Education (CHED).

Aabot sa 16 state universities ang maghahati sa tinatayang P1.3 bilyon sa pagtatayo o pagpapalawig ng kanilang programa sa medisina.

Ang RA 11509, o ang Doktor Para sa Bayan Act, ay may layunin na makapagpa-graduate ng mas maraming doktor sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarship sa mga mag-aaral. Sagot nito ang tuition, at living allowances, maging ang gastos sa pag-review para sa board exams.

Mayroon ding return service provision sa ilalim ng batas kung saan minamandato ang paglikha ng plantilla position para sa mga scholar na nakapasa sa board upang magsilbi ng isang taon sa bawat taong naging kabilang sa scholarship program.

Ang kasalukuyang ratio ng doktor-sa-populasyon ay 3 sa bawat 10,000, pero ang layunin ay mapataas ito sa WHO standard na 10 kada 10,000.

“Kailangan po ng 12,165 medicine graduates kada taon para marating ang 10:10,000 sa taong 2030. Sa kasalukuyan, mayroon pong 7 rehiyon sa bansa ang walang SUC na nago-offer ng med school, at maraming munisipalidad ang walang doktor,” ani Villanueva.

Kabilang sa mga SUC na makatatanggap ng karagdagang pondo upang matustusan ang pagtatatag ng kanilang college of medicine ang Cavite State University, Batangas State University, at Isabela State University sa Luzon habang ang University of Southern Mindanao at Mindanao State University – General Santos ay makakakuha rin ng pondo para itayo ang kanilang medicine programs sa Mindanao.

Samantala, mabibigyan din ng dagdag pondo ang University of the Philippines-Manila, West Visayas State University sa Iloilo at Mariano Marcos State University sa Ilocos Norte para palawigin pa ang kani-kanilang medicine programs, paliwanag ni Villanueva, chairman ng Senate higher education committee.

Maging ang CHED ay makakakuha din ng P1 bilyon mula sa pondong ito para sa kanilang sariling state medical scholarship program. (ESTONG REYES)

202

Related posts

Leave a Comment