Bulkan hindi pa kalmado PAG-UWI NG BULUSAN EVACUEES INAWAT

PINAYUHAN ng mga awtoridad ang mga local government unit na huwag munang pabalikin sa kanilang mga tahanan ang mga inilikas na residente mula sa mga bayan na apektado ng ashfall dahil sa posibleng muling pag-aalburuto ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon.

Posibleng pumutok pang muli ang Bulkang Bulusan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) base sa kanilang monitoring. Sa huling observation ng mga eksperto kahapon ay naglabas ng singaw (steam) ang bulkan na namataan sa bahagi ng Casiguran.

“Ito ay mangyayari kapag ang usok ay may pressure. Kung tuloy-tuloy lang paglabas, mas maigi na ‘yan kaysa makaipon ng pressure. Pero kailangan nating pag-ingatan na talagang possible pang magkaroon ng mga pagsabog,” ani Phivolcs Director Renato Solidum.

Naobserbahan ang bahagyang pagtaas ng volcanic earthquake, steam/gas activity, sporadic explosions mula sa existing o new vents at bahagyang inflation o pamamaga ng edipisyo ng Bulusan Volcano.

Muling sumabog nitong madaling-araw ng Linggo ang bulkan, na ayon sa mga awtoridad ay mas malakas kumpara sa pagputok nito noong Hunyo 5.

Pinaalalahanan din ang mga naninirahan malapit sa ilog na bantayan kung may malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan dahil sa panganib na magkaroon ng baha na may putik o kaya ay lahar, ani Solidum.

Sa muling pagputok ng bulkan, alas-3:37 ng madaling araw nitong Linggo ay naabot ng ashfall ang mga bayan ng Casiguran at Magallanes bukod sa Juban.

Sa nakalipas na 24 oras ay nakapagtala ang Phivolcs ng 106 volcanic earthquakes sa paligid ng bulkan, 48 dito ay volcanic tremors na tumatagal ng 20 minuto.

Napansin din ang malaking buga ng usok ng bulkan na may 500 metro ang taas mula sa bunganga nito.

Umabot din sa 4,627 tonelada ang ibinuga nitong sulfur dioxide.

Nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Bulusan kung kaya’t pinagbabawalan pa rin ang pagpasok sa 4-kilometer permanent danger zone at 2-kilometer extended danger zone. (JESSE KABEL)

198

Related posts

Leave a Comment