HINDI maipagkakailang popular at mataas pa rin ang trust rating ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit malapit nang matapos ang kanyang termino sa Hunyo 30,2022.
Ito’y dahil maraming nagawa si Duterte tulad ng programang Build, Build, Build (BBB), libreng matrikula sa mga unibersidad at kolehiyo ng pamahalaan, pagkakaroon ng peace and order at pagpapakita ni Duterte ng “strong leadership”.
Kasama rin sa mga nagawa ni Duterte ay ang pagpapabilis ng internet connectivity na pihadong hindi makalilimutan ng mamamayan.
Batay sa rekord ng pamahalaan, noong Marso 2020 ay tumaas hanggang 500% ang internet demand.
Umiral ang work-from-home, virtual learning system at higit na lumakas ang pagnenegosyo sa online ng mga negosyanteng kabilang sa sektor ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa panahong isinailalim ang maraming bahagi ng bansa sa lockdown bunga ng coronavirus disease – 2019 (COVID – 19).
Kahit masahol ang COVID – 19, nakakilos ang napakaraming Filipino dahil bumilis ang internet.
Noong Mayo, umabot sa 58.73 Mbps ang average download speed ng fixed broadband habang pumalo sa 31.97 Mbps naman ang mobile internet.
Ito ang pinakabagong ulat ng Ookla, kinikilalang global leader sa mobile at broadband network intelligence.
Nakasaad pa sa report na ika-65 na ang Pilipinas sa 180 bansa sa fixed broadband habang ika-77 tayo sa 130 bansa pagdating sa mobile internet.
Sa fixed broadband, pang-17 na tayo sa 50 bansa sa Asya habang ika-23 tayo sa mobile internet.
Inabot ng Pilipinas ang mga nasabing kalagayan nang sabihin ni Duterte sa kanyang 2020 State of the Nation Address (SONA) na ayusin ng telecommunications firms ang kanilang serbisyo.
Ngunit, hindi pala ito puwedeng mangyari dahil nabunyag sa mga imbestigasyon ng Senado at Kamara de Representantes na hinahadlangan ng red tape sa pamahalaang lokal kahit gustuhin ng Globe Telecom at Smart Communications na humataw sa pagtatayo ng mga imprastraktura sa telekomunikasyon.
Lumitaw sa pagbusisi ng mga senador at kongresista, naging gatasan ng mga korap sa mga lokal na pamahalaan ang pagharang sa mga permit na hinihingi ng mga telco para sa paggulong ng konstruksiyon ng mga cellular tower at iba pang imprastruktura tulad ng fiber optic network.
Binuwag ni Duterte ang mga diskarteng sindikato sa mga pamahalaang lokal.
Binalaan sila ni Duterte na kulungan ang kababagsakan nila kapag pinahirapan nila ang pag-aayos ng internet connection.
Dahil dito, napabilis ang paglabas ng mga permit mula sa mga pamahalaang lokal dahil nabawasan ang dinaraanan sa proseso.
Noong 2020, umabot sa 6,451 ang naisyung permit.
Mula Enero hanggang Abril ng taong kasalukuyan, umabot sa 2,789 ang naisyung mga permit.
Ngayong taon, umabot sa 24,614 cellular towers sa bansa kung saan 10,941 rito ang sa Globe, 10,433 sa Smart at 3,240 naman sa DITO Telecommunity.
Aminin nating nakatulong ang desisyon ni Duterte na papasukin ang DITO bilang “third telco player” dahil nagkaroon ng masiglang kumpitensiya sa industriya ng telekomunikasyon.
Lumabas sa media na naglabas ng bilyun-bilyong karagdagang kapital ang Globe at Smart upang palakasin ang kani-kanilang mga produkto upang makakopo ng marami pang customer.
Sa termino ni Duterte, tumaas nang 523.38% ang average download speed ng fixed broadband sa bansa habang 291.40% ang itinaas ng mobile internet.
Kaya, wasto lamang na sabihing bumilis ang internet sa panahon ni Duterte.
