BUMITBIT NG 12 SAKO NG SEMENTO, 2 ARESTADO

CAVITE – Arestado ang dalawang lalaki makaraang tumangay ng 12 sako ng semento mula sa isang construction site sa Gen. Trias City noong Biyernes ng gabi.

Lasing pa nang arestuhin ang mga suspek na sina Emil Martinez, 40, at Reynaldo Jose Jr., 51, sa Brgy. San Jose, Gen. Trias City dahil sa reklamo nina Rodolfo Redin, 30; Freddie Salas, 38, at Mike Mahilum, mga kinatawan ng VRP Builders na may-ari ng tinangay na mga semento.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ernesto Angue Jr. ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-9:00 noong Biyernes ng gabi nang dumating ang mga suspek na nakainom, sa construction site sa Brgy. San Francisco, Gen. Trias City, Cavite.

Tinutukan ng baril ni Jose sina Redin at Salas habang si Martinez ay hinakot ang 12 sako ng semento na nagkakahalaga ng P4,000, at ikinarga sa nakaparada nilang sasakyan saka umalis.

Nagsagawa naman ng follow-up operation ang mga operatiba ng San Francisco COMPAC na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek dakong alas-2:15 nitong Sabado ng madaling araw. (SIGFRED ADSUARA)

584

Related posts

Leave a Comment