INARESTO ang dalawang driver at isang pahinante nang walang maipakitang permit sa pagbibyahe ng isda sa Malabon City matapos silang harangin dahil sa maling tip na may ibinibyahe umano silang ilegal na sangkap.
Kinumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Northern Maritime Police Station (MARPSTA), Malabon City police at Navotas Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kargamentong 27 banyera ng sari-saring isda ng dalawang delivery trucks na minamaneho ng dalawa sa mga ng dinakip.
Nagsasagawa ang mga awtoridad ng checkpoint sa F. Sevilla St. dakong 3:20 ng umaga noong Biyernes nang pahintuin ang dalawang delivery trucks na may mga plakang NEA 3091 at DAE 2834, na minamaneho nina Manuel Castigo, 49, ng Real, Quezon; at Rufo Lumukso, 47, ng Brgy. Aluneros, Guinayangan, Quezon, ayon sa pagkakasunod.
Bago ito, may nagnguso sa MARPSTA na may ilegal na sangkap na ibinibyahe sa Navotas at Malabon at pinalalabas na mga isda ang kargamento.
Nang tingnan ng mga kawani ng BFAR Navotas, ang truck na minamaneho ni Castigo na kargado ng 18 banyera ng sari-saring isda at hipon, at ang truck na minamaneho ni Lumukso na mayroon namang siyam na banyera ng isda, ay wala namang natuklasang ilegal na sangkap.
Nang hingan ng BFAR ang mga driver ng kinakailangang mga permit para sa pagbibyahe ng isda, walang naipakita ang mga ito kaya’t dinakip ang dalawa, pati ang pahinanteng si Rhaymon Tirote, 35, ng Guinayangan, Quezon, dahil sa paglabag sa Fisheries Administrative Order (F.A.O.) 233 o ang Transportation of Aquatic Wildlife by Products without Local Transport Permit.
Pati mga may-ari ng dalawang truck na sina Jayson Zenarosa, ng Poblacion, Quezon; at Praxides Regala, ng Guinyangan, Quezon, ay kakasuhan din ng parehong paglabag habang ang 27 banyera ng isda at hipon ay inilipat sa pangangalaga ng BFAR-NCR Navotas Fisheries Inspection, Quarantine and Licensing Station. (ALAIN AJERO)
283 