SA pagsisikap ng mga tauhan ni P/Col. Randy Glenn G. Silvio, ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR), anim na wanted person ang nadakip sa ikinasang Oplan Pagtugis at Salikop sa iba’t ibang lugar.
Sa isinagawang Oplan Pagtugis noong Abril 19, 2021, kinilala ang naaresto na si Gilford Andrew Fernandez y Espino, 20-anyos, binata, obrero, residente ng #404, BCDA MB 13, Pamayanang Diego Silang Village, Taguig City.
Inaresto si Fernandez sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa RPC, Art. 285, ‘other light threats,’ na inisyu ni Hon. Ma. Victoria Padilla-Awid ng MTC Branch 116, may piyansang inirekomendang sa halagang P3,000.
Nadakip din ng CIDG dakong alas-12:45 ng tanghali noong Abril 20, 2021 sa bisa ng warrant of arrest si Jhan Victorino y Marie, alyas “Adong,” 23-anyos, binata, obrero, tubong Quezon City, at residente ng #30 Isadora St., Brgy. Holy Spirit, Quezon City dahil sa kasong paglabag sa RA 7610, sa Rafael St., Phase IV Monterey Hills, Brgy. Silangan, San Mateo, Rizal.
Nalambat din ng grupo noong Abril 20, 2021, sa bisa ng warrant of arrest si Rudy Fernandez y Cinco, alyas “Lucky Fernandez y Cinco”, 30-anyos, may asawa, tricycle driver, miyembro ng Batang City Jail, at residente sa #452 Cabildo St., Intramuros, Manila.
Si Fernandez ay may warrant of arrest sa kasong theft, na inisyu ni Hon. Judge Kirk Aninon ng MTC, Branch 44 ng Pasay City, na may petsang Setyembre 11, 2014 at may inirekomendang piyansang P10,000.
Arestado rin ang magkapatid na sina Jylmer Bacares y Buenaobra, 34-anyos, binata, residente ng Cluster M. Bagong Nayon 1, Antipolo City, at Gerald Bacares y Buenaobra, 30-anyos, binata, tambay at residente ng nasabi ring address, at si Lou Faura y Rodrigo, 42-anyos, binata, residente ng Cogeo Venue, Antipolo Highland, Brgy. Bagong Nayon, Antipolo City, dakong alas-4:30 ng hapon noong Abril 20, 2021 sa Cogeo Venue, Antipolo Highland, Brgy. Bagong Nayon, ng nasabing siyudad.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang (1) unit ng cal. 38 revolver (armscor) na walang serial number; anim (6) piraso ng live ammunition para sa cal. 38; isang (1) sling bag color brown, isang (1) unit caliber .38 revolver na walang serial number at anim (6) na pirasong live ammunition para sa caliber .38.
Ang pagkakaaresto sa wanted persons ay ipinagbigay-alam na sa courts of origin. (JOEL O. AMONGO)
