BUONG BUHAY NI CM MACACUA INILAAN NIYA SA MILF, PARA SA KAPAYAPAAN – MANGUDADATU

Inilaan ni “Sammy Gambar” Macacua ang kanyang buong buhay sa Moro Islamic Liberation Front sa hangaring makamit ang kapayapaan para sa Bangsamoro, ayon kay Maguindanao del Norte Rep. Esmael “Toto” Mangudadatu.

Sa isang panayam, sinabi ni Mangudadatu na hindi dapat tingnan ang kasalukuyang hidwaan sa pagitan ni Macacua at ng MILF nang hiwalay sa mahabang kasaysayan ng pakikibaka at paglilingkod ng dating MILF commander para sa peace process.

“Buong buhay ni Macacua inilaan niya sa MILF para sa kapayapaan,” ani Mangudadatu, na nagsabing ang kanyang pahayag ay nakaugat sa matagal na pagkakakilala at pagmamasid sa naging papel ni Macacua sa pakikibaka para sa kapayapaan sa Bangsamoro.

Si Macacua ay matagal na nagsilbi sa MILF at naging chief of staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), ang military arm ng dating rebel group, bago siya naging bahagi ng pamahalaang Bangsamoro.

Mula sa pagiging senior official ng Bangsamoro government, nagsilbi rin siyang executive secretary at environment minister bago naging governor ng Maguindanao del Norte at kalaunan ay itinalagang interim chief minister ng BARMM noong Marso 2025.

Ngunit habang papalapit ang unang parliamentary elections ng Bangsamoro ay nagkaroon si Macacua ng lumalalim na hindi pagkakaunawaan at ng ilan opisyal sa pamunuan ng MILF.

Isa sa mga naging punto ng hindi pagkakaunawaan ang desisyon ni Macacua na tumakbo bilang independent candidate sa parliamentary elections, na ipinaliwanag niyang kailangan niyang manatiling patas bilang chief minister sa lahat ng sektor at political groups sa Bangsamoro.

Naging kontrobersyal din ang kanyang desisyon na tanggalin si Mohagher Iqbal bilang education minister kasunod ng mga finding ng Commission on Audit hinggil sa paggamit ng P2.2 bilyong pondo ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education.

Nitong Setyembre 3 ay tinanggal ng MILF Central Committee si Macacua bilang chief of staff ng BIAF, kasama ang mahigit 40 iba pang commanders at officers.

Ang pagpapatalsik kay Macacua sa kanyang military post ay dumating ilang araw lamang bago ang Sept. 14 parliamentary elections, kung saan tumatakbo siya para sa isang puwesto sa Bangsamoro Parliament.

Para kay Mangudadatu, ang kasalukuyang political conflict ay hindi dapat magbura sa naging ambag ni Macacua sa mahabang proseso tungo sa kapayapaan.

Ang paliwanang ni Mangudadatu ay mahalaga umanong tingnan ang buong larawan – ang mga taon ng pakikibaka, ang mga sakripisyo, at ang paglipat mula sa armadong pakikibaka patungo sa pulitika at pamamahala.

Ang sariling paninindigan naman ni Macacua ay nananatiling nakatuon sa mapayapang proseso.

Matapos ang ambush sa kanyang convoy noong Agosto 15, sinabi ni Macacua na hindi siya matitinag sa pagtupad sa kanyang tungkulin at na dapat ang tinig ng Bangsamoro bilang iisang komunidad, hindi ang puwersa ng armas, ang magtakda ng kinabukasan ng rehiyon.

Sa ganitong backdrop haharap si Macacua sa mga botante sa unang parliamentary elections ng BARMM – isang halalan na magsisilbing mahalagang yugto sa paglipat ng rehiyon mula sa transitional government tungo sa isang halal na Parliament.

Para kay Mangudadatu, ang mahabang kasaysayan ni Macacua sa MILF at sa peace process ay bahagi ng kontekstong dapat malaman ng publiko habang nagpapasya ang mga botante kung sino ang pagkakatiwalaan nilang kumatawan sa kanila sa bagong Bangsamoro Parliament.

Sa huli, ang desisyon ay mananatili sa mga botante, na sa Sept. 14 ay bibigyan ng pagkakataong pumili ng mga lider na nais nilang maging bahagi ng susunod na yugto ng pamamahala at kapayapaan sa Bangsamoro.

100

Related posts

Leave a Comment