BUWIS SA UKAY-UKAY KINONTRA

PARA sa mga militanteng kongresista sa Kamara, “anti-poor” ang planong pagpapataw ng buwis sa ukay-ukay.

Giit ni Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, pawang mga pobre ang apektado sa isinusulong na buwis sa mga segunda-manong kasuotang tanging kayang bilhin ng mga maralita, kasabay ng pahayag ng pagtutol sa mungkahi ng kapwa kongresistang si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon.

“Sa mahal ng bilihin ngayon, hindi na kaya ng ordinaryong Pilipino na bumili ng bago at mamahaling damit kaya bumibili na lamang sa ukay-ukay kahit gamit na,” ani Brosas.

Dagdag pa ni Brosas, “ang pagpapataw ng buwis dito ay magkakaroon ng epekto hindi lamang sa mga bumibili nito pero pati na rin sa mga maliliit na negosyante at online sellers na umaasa sa ukay-ukay para sa kanilang kabuhayan”.

Paniwala ng militanteng kinatawan, ipapasa lang ng mga importer ng ukay-ukay sa mga consumers ang nagbabadyang buwis na hudyat ng pagtaas ng presyo ng tanging kalakal na kayang bilhin ng mga maralita.

Imbes na ang ukay-ukay ang pag-initan, buhayin na lamang aniya ang garment industry sa bansa na matagal na aniyang napabayaan. Ito rin aniya ang dahilan kung bakit marami ng mga pobreng pamilya ang bumibili ng mga segundamanong gamit mula sa ibang bansa.

Paglilinaw ni Brosas, batid niyang mahigpit na ipinagbabawal ng Republic Act 4653 ang pag-angkat ng mga segunda-manong kasuotan mula sa ibang bansa.

“Buhayin at palakasin natin ang ating lokal na industriya upang hindi na umasa ang mamamayan sa second-hand at makagawa pa ng mas maraming trabaho sa kabila ng krisis na ating kinakaharap.” (BERNARD TAGUINOD)

130

Related posts

Leave a Comment