MAS ‘unchristian’ ang mga taong inuunahan ang mga pasyente sa COVID-19 na matagal nang nakapila para magkaroon ng kuwarto sa mga pagamutan at mailigtas ang kanilang buhay.
Ito ang sagot ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kay Presidential Spokesman Harry Roque matapos nitong tawaging “un-Christian” ang tanong kung papaano ito nakakuha agad ng kuwarto sa ospital nang dapuan ito ng COVID-19 sa ikalawang pagkakataon.
“What is unchristian is the betrayal of public trust by flaunting your sense of twisted entitlement, rather than taking up your cross, or, bearing the cross of others, as the biblical Simon of Cyrene did,” ani Zarate.
Iginiit ng mambabatas na kailangang magsakripisyo ang mga lider ng bansa para sa mamamayan na kanilang pinagsisilbihan bagay na hindi naipakita ni Roque dahil kahit punuan na ang mga ospital ay walang kahirap-hirap itong nakakuha ng kuwarto.
Base sa mga report ay naka-confine sa Philippine General Hospital (PGH) si Roque na ayon kay Kabataan party-list Rep. Sarah Elago ay marami nang nakapila ilang araw bago nagpa-ospital ang tagapagsalita ng pangulo.
“Nakakapanghinala [rin] na nakapasok pa sa Philippine General Hospital si Harry Roque samantalang 100% na ang paggamit ng ICU nito, ang COVID-19 bed capacity nito ay nasa 90% na at marami pa ang nakapila para makapasok,” ani Elago.
Maging ang mga netizen ay nagalit sa pabalang na sagot ni Roque sa nasabing katanungan lalo na’t marami pa ring COVID-19 patients ang hindi makapila sa mga pagamutan.
“What is un-Christian about the question, @attyharryroque,” tanong ni @ophelia1020.
“Sa lahat ng pambabastos at kasinungalingan, kapal ng mukha magsabi ng “Unchristian”,” ayon naman kay @CegeeMarie.
“Bakit hindi na lang nya sagutin? Dapat pinilit nyo pa? Kasi lahat ng pilipino nagtataka bakit si claire dela fuente hanggang tent lang opm artist.. sya naman na puro ngawa at sarkastikan lang alam e nagkaroon ng room.. ulitin nyo pa po ang tanong? Rephrase nyo siguro,” post naman ni @HushJAJI27. (BERNARD TAGUINOD)
