Bwelta ni Go sa pagsibak kay Lao? AVISADO, SINIBAK HINDI NAG-RESIGN

WALANG kinalaman ang kalusugan sa pagbibitiw ni dating Budget Secretary Wendel Avisado na nakainitan diumano ng Palasyo makaraang sibakin ng kalihim sa pwesto ang kontrobersyal na alagad ni Senador Bong Go sa nasabing departamento.

Sa isang panayam kaugnay ng P42.4-bilyong overpriced procurement deal ng mga substandard face mask, sinabi ni Senador Imee Marcos na sadyang tinanggal ni Avisado ang noo’y Department of Budget and Management (DBM) Undersecretary Christopher Lao dahil sa aniya’y katiwalian nito sa nasabing ahensya.

“We’re very fully aware that Secretary Avisado was unhappy with these people and axed them upon sitting,” ayon sa mambabatas.

Taliwas ito sa mga naunang pahayag na nagbitiw si Lao bilang hepe ng DBM-PS noong Hunyo.

Ito rin ang maugong na dahilan kaya sinibak din umano si Avisado ngunit pinalalabas na nagbitiw dahil sa usapin ng kalusugan.

Aniya, bukod sa mahal at mahinang klase ang mga biniling face mask para sa mga medical frontliners, nakuha pa aniyang ibenta ang mga dapat sana’y libreng suplay sa local government units (LGU) sa mas mataas na halaga.

Gamit ang pondo ng Department of Health, bumili ng P42 bilyong halaga ng mga substandard na face mask ang DBM Procurement Service Office noong nakaraang taon.

“What I find so strange is that this equipment bidded out by DBM-PS turned over to DOH is being sold and LGUs who are not receiving the PPEs for free are being compelled to buy, which is the reason why there are so much of it still in the bodega because no one wants to take it.

It’s just too expensive,” ani Marcos.

“If you ask governors, and they testified, as well as city mayors, they said they had to pay…I’m praying I’m completely wrong and I misunderstood.”

Pagtatapat ni DBM Acting Secretary Tina Rose Marie Canda, naganap ang kwestyunableng transaksyon noong panahong si Lao pa ang namumuno sa DBM Procurement Service Office. Siya rin aniya ang nagpasyang umangkat na lamang ng mga face mask sa China kaysa sa mga local manufacturer.

Sa tantiya ni Senador Risa Hontiveros, hindi bababa sa isang bilyong piso ang antas ng overpricing sa nasabing transaksyon.

Kaugnay nito, lubos naman ang pagtataka ng senadora sa pagbalewala ni Health Secretary Francisco Duque sa naging pahayag ng pangulo.

Dapat aniya’y agad na itong magsumite ng resignation letter makaraang magpahayag ng kahandaan ang pangulo sa pagbibitiw ng kalihim.
“I think the President has said that very loud and clear and it’s important he take heed from his boss,” pagtatapos ng Senador. (FERNAN ANGELES)

176

Related posts

Leave a Comment