CAINTA ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY

RIZAL – Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Cainta matapos maranasan ng mga residente ang malawakang pagbaha sa halos lahat ng pangunahing mga kalsada at lugar sa nasabing bayan.

“Sinabihan ko ang Local Disaster and Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) at ang Sangguniang Bayan na agad na magpulong upang ihanda ang Declaration of a State of Calamity for the Municipality of Cainta,” ang pahayag ni Nieto.

Inaasahan na anoman ang mapagpasyahan sa nasabing deklarasyon ay agad na ipatutupad at ihahatid ang kinakailangang mga tulong sa apektadong mga komunidad.

Bago nito, bumuo na ng iba’t ibang rescue group ang alkalde bandang alas-6 ng umaga gamit ang ipinadalang military truck at pag-aari ng munisipyo na mga plastic boat at aluminum boat.

Batay sa huling tala ng kalagayan, lubhang naapektuhan ng matinding pagbaha ang Karangalan Village, at Village East kung kaya dito idinispatsa ang plastic at aluminum boat.

Isinakay naman sa military truck ang mga na-stranded sa Imelda Avenue patungong Sta. Lucia sa Marcos Highway, Valley Golf area patungong Sta. Lucia, Green Park Subdivision, Bayanihan area at Don Mariano ganoon din mula naman Sta. Lucia pabalik ng Junction.

Umikot din si Nieto dakong alas-4 pa lamang ng madaling araw at iniulat niya na hindi pa rin madaraanan dahil sa taas ng tubig-baha ang mga lugar ng Village East, Sabungan, Cypress, Kasibulan, Dacon, Balai Sabungan, at Green Park Subdivision Zone 4 to 6.

Idinagdag pa ng punong bayan na maaari nang daanan ang mga lugar ng Ortigas Avenue, A. Bonifacio, Valley Golf, ROTC Hunters, Cainta Public Market, Brgy. San Roque, St. Anthony Subdivision, Summer Green, Sto. Niño, Youngstown, Madera 2 Homes, Policarpio, Pabton 1, Greenland at Greenpark Zone 1 to 3.

Iniutos din niya sa health office ng munisipyo na magtatag ng Sundown clinic at mamahagi ng Doxycycline sa mga lumulusong sa baha upang maiwasan ang leptospirosis.

Iniulat din ni Nieto ang pagdagsa ng mga libreng pagkain mula sa mga restoran at itlog mula sa ilang indibidwal at ipinagpasalamat niya at sinabing ipamamahagi ito sa mga evacuation center. (NEP CASTILLO)

19

Related posts

Leave a Comment