CALAMBA CITY, MODELO SA LOCAL CONFLICTS

KINILALA ng mga delegado mula sa European Union ang lungsod ng Calamba bilang isang pilot site para sa isang programang bibida sa sistematikong ugnayan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa mabilis na ikalulutas ng anomang sigalot sa lokalidad.

Bukod sa pagkilala, nagpahayag ng kahandaan ang EU Delegation para tustusan ang pagtataguyod ng “justice zone” sa ilalim ng kanilang Governance in Justice Programme II (GOJUST II), layong pag-ibayuhin ang umiiral na pamantayan sa pagtukoy ng suliranin at pagresolba ng mga hidwaan.

Malugod namang tinanggap ng Calamba City government ang hamon na maging isa sa pitong pilot sites kung saan magmamasid ang mga kinatawan ng EU sa pinaiiral na pamamaraan ng lokal na pamahalaan, Department of Interior and Local Government, Department of Justice, Korte Suprema at maging ang pribadong sektor.

Ayon kay Calamba City Mayor Justin Marc SB. Chipeco, malaking bentahe para sa kanilang lungsod na mapiling pilot site na siyang magiging basehan ng mga polisiya para sa sistematiko, mabilis at epektibong paraan sa pagtukoy ng problema at karampatang solusyon.

Aminado naman si Chipeco, isang abogado, na hindi perpekto ang umiiral na sistema sa Calamaba City, kaya naman malaki rin aniyang ambag sa nasabing lungsod ang anomang rekomendasyong magmumula sa EU Delegation.

“Ang ating lungsod ay inilunsad bilang Justice Zone sa ilalim ng European Union-funded Governance in Justice Programme II (GOJUST II). Sa pagiging Justice Zone sa ating lungsod titingnan ang mga problemang pang-local at hahanapan din ng solusyon para maisaayos ang mga nasabing problema. Ang Calamba City ay inirekomenda ng Regional Development Council of the National Economic Development Authority,” ani Chipeco.

Kaugnay nito, pinaghahandaan na rin ng EU ang paglalatag ng mekanismong higit na magbibigay kaluwagan sa bugsu-bugsong asuntong isinasampa sa kanilang hukuman.

Kabilang sa suportang nakatakdang ibahagi ng EU Delegation ang mas malaking Justice Hall kung saan maaaring makapagtalaga ang Korte Supreme ng dagdag husgado para sa mas mabilis na pagdinig sa mga kaso. Kaakibat naman ng mabilis na pagdinig ng mga kaso ay ang pagluwag ng mga piitan.

Nakatakda ring magbigay ang EU ng iba pang pangangailangan ng mga piitan kaugnay ng kanilang programang E-Dalaw, mga sasakyan, kaalaman at iba pa.

Bagamat mababa ang crime rate sa nasabing lungsod, sa Calamba nananahan ang karamihan ng mga akusadong mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan habang dinidinig ng Calamba City Regional Trial Court ang kani-kanilang kaso.

Lubos din ang paniwala ng alkalde na susi sa pag-unlad ng isang lungsod ang kakayahan nitong kumilala ng pagkukulang, pagtanggap ng puna at pakikiisa sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa mas epektibong serbisyo.

Ang Calamba, isang first class component city ng Laguna, ay kilala sa pagpapanatili ng kaayusan sa maraming aspeto ng lipunan, sa kabila pa ng malaking populasyon nito. Sa pinakahuling datos, hindi bababa sa kalahating milyon ang naninirahan sa nasabing siyudad.

Kabilang din ang Calamba sa mga pinakamayamang lungsod sa buong Calabarzon region. (CYRILL QUILO)

114

Related posts

Leave a Comment